IKA-LIMANG LINGGO NG KUWARESMA A
-->
ANG MAMATAY KASAMA SI
KRISTO
Ngayong Kuwaresma, nagninilay
tayo sa mabuting balita ni Juan sa loob ng tatlong linggo. Ito ang huling
pagkakataon. At kaakit-akit ang mensahe ngayon. Ipinapakita sa atin na malapit
si Hesus sa pamilya ni Lazaro at mga kapatid nito. May mga kaibigan pala si
Hesus. At mahal niya silang tunay! Nakakatuwa di ba? Madalas nating isipin na
kasama lang ng Panginoon ang mga alagad at matiyagang nagpapahayag at
nagpapagaling sa Israel. Bihira nating maisip na may mga kaibigan pala siya at
masaya siya sa piling nila!
Pero ito nga ang misteryo. Kung
mahal ni Hesus si Lazaro, bakit pinabayaan niya itong mamatay? Bakit hindi siya
maaga dumating, tulad ng sabi ni Marta? Kung pinagaling niya ang iba, bakit
hindi ang kanyang maysakit na kaibigan?
Dahil nga mahal ni Hesus si
Lazaro kaya hinayaan niya itong dumanas ng kamatayan. Ang kamatayan ang huling
pagsubok ng pananampalataya. Nais ni Hesus na maging matatag si Lazaro at mga
kapatid niya sa pagharap sa kamatayan. Sa nakaraang dalawang linggo, nagnilay
tayo sa pananampalataya. Ang Samaritana ang simbolo ng mga hindi pa
sumasampalataya sa Panginoong Hesus. Ang bulag naman ang simbolo ng mga bago pa
lang nagsisimula bilang mananampalataya. Pero si Lazaro ang larawan ng taong
nakipagbuno sa kamatayan dala ang kanyang pananampalataya.
Sino ba ang hindi takot mamatay? Maging
ang pinakamatapang ay may kaba at panginginig bago mamatay. Maging ang mga
santo ay naghirap ang loob sa harap ng kamatayan. Dahil niyayanig ng kamatayan
ang puso natin. Paano kung walang Diyos? Paano kung walang buhay sa kabila? Ayaw
nating mapunta sa lugar na walang kapayapaan at walang buhay.
Pinabayaan ni Hesus na mamatay si
Lazaro upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan. Totoo nga, ang
sumasampalataya ay hindi mamamatay. Ibig sabihin nito, malulupig natin ang
kamatayan tulad ni Lazaro, at higit pa, dahil sa kapangyarihan ni Hesus. Ang
Kuwaresma ay pagninilay sa binyag. Alam nyo ba na ang binyag ay “pagkamatay”
kay Kristo upang mabuhay kasama niya? Maglaan tayo ng konting panahon upang
tanungin ang sarili kung handa ba tayong mamatay sa bisig ni Hesus upang sa
langit ay humimlay sa kanyang yakap?