UNANG LINGGO NG KUWARESMA A
-->
WALANG KA DRAMA-DRAMA
Sa modernong kultura ngayon, ang
hilig ng tao sa horror at sa katatakutan, sa kadiliman. Kay daming horror films
na patok. Kay daming librong pang-exorcist ang dating. Kahit sa modernong buhay
na pilit tinatanggal ang relihiyon sa lipunan, bakit tila yata nahihilig tayo
sa kampon ng kasamaan?
Sa simula ng Kuwaresma, kasama
tayo ni Hesus sa disyerto. Sabi ni Mateo (Mt 4:1-11), matapos binyagan, si
Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin. Naghihintay doon ang
demonyo para gambalain si Hesus, para sirain ang kanyang loob, at para ihulog
siya sa matayog niyang prinsipyo.
Pam-pelikula ba ang dating ng
demonyo sa disyerto? May lumilipad na mga mesa at silya, namamatay na ilaw, at
halakhak na bwahahahaha!!!? Tila
sa mahalagang pagtatagpong ito ng Anak ng Diyos at ng demonyo, walang ganun.
Panay tukso nang tukso nang tukso lang ang kaya ng demonyo. Hindi niya kayang
hipuin o ibagsak ang Panginoong Hesukristo! Kaya lamang niyang maglahad ng tila
simpleng mga tukso sa buhay.
Ganyan din sa buhay natin e,
walang drama kung dumadating ang demonyo. Susunod-sunod lang siya sa atin na
may paing mga tukso – na maging madamot, mayabang, malayo sa ating Diyos… at
ito’y sa pamamagitan ng simple at maliliit na bagay sa ating salita at gawa.
Pinalalakas tayo at hinihikayat
ng Kuwaresma na manindigan laban sa demonyo sa pagpuksa natin ng mga tuksong
dumarating sa araw-araw. Simulan natin ang panahon ng mga sakripisyo, maliit at
simple din lang, tulad ng pagsasabi ng “hindi” sa pasarap sa sarili, at
pagsasabi ng “oo” sa tawag ng paglilingkod. Simulan nating magnilay muli sa
relasyon natin sa Panginoong Hesus na dulot ng ating binyag.
Tinukso si Hesus pagkatapos ng
binyag niya kaya tinutukso din tayo ng demonyo dahil nabinyagan na tayo, ibig
sabihin, kabilang na tayo sa Diyos. At tulad ni Hesus na nagkalakas-loob dahil
sa binyag, sa ugnayan niya sa Ama, manalangin tayong maging matagumpay laban sa
tukso at kasalanan habang nagiging tapat sa ating pakikipagkaisa sa Amang
nagmamahal sa atin nang ganap.