DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO – CORPUS CHRISTI
-->
ADIK SA IYO…
Marami sa atin ang hayok na sa
mga modernong adiksyon sa buhay. Maging mga sanggol at mga bata ay adik na sa
mga gadgets at tila walang pakialam sa mundo sa paligid nila. Ang mga magulang
naman ay matagal nang nahumaling sa tv. Ang computer ang puntahan ng mga taong
walang magawa, walang makausap o walang mapuntahan kapag nalulungkot at
nababagot sa buhay.
May mga taong tila adik na sa mga
bagay na maituturing na banal o mabuti. Halimbawa maraming tao ang walang tigil
ang koleksyon ng mga imahen ng mga santo na parang koleksyon ng Barbie dolls, o
kaya walang humpay sa kabibili ng mga librong hindi naman nila kayang basahin
at nakatambak lamang.
Ipinaaalala sa atin ng Kasulatan
ngayon na may isang totoong “adiksyon” o pagkahumaling na nais ng Diyos na
maging bahagi ng ating buhay. Ito ay ang pagiging tunay na pagkakaugnay sa
katawan at dugo ni Kristo, ang ating Panginoon at Diyos, sa Eukaristiya.
Hindi tayo sinasabihan ng Diyos
na kolektahin lahat ng imahen niya at larawan. Hindi rin niya pakay na basahin
natin lahat ng aklat na sumisikat. Hindi niya nais na mapanood natin lahat ng
bagong pelikula, gaano pa man ito ka-relihyoso. Nais niya lamang tayong
mahalina, matutok, matalaga, at mapukaw ng kanyang Bugtong na Anak na si Hesus
sa Eukaristiya. Ito ang nag-iisang adiksyon na nagdadala hindi na kamatayan kundi
ng buhay na walang hanggan. – “Simumang kakain ng aking katawan at iinom ng
aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siya sa huling
araw.”
Ang pagnanais na maugnay sa
Katawan ni Kristo ay magdadala sa ating ibukas ang ating mga mata upang mahalin
din ang Katawan niya na matatagpuan sa mga dukha at mga nangagailangan sa ating
paligid. Ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo ang mag-aakay sa atin na
mahalin siya at paglingkuran sa pira-pirasong katawan ng mga taong naghihintay
ng ating kalinga at pagmamahal.
Manalanging tayong maging tunay
na adik kay Kristo, sa kaisa-isang nagbibigay kahulugan sa buhay sa mundo at
nagbibigay ng walang hanggang ligaya sa langit.