IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A


ANG SAYSAY NG MGA MARTIR



-->
Sa buong mundo ngayon, naririnig natin ang sinasapit ng mga Kristiyanong pinag-uusig, na sa harap ng kamatayan o banta sa buhay at kaligtasan ay napipilitang gumawa ng masaklap na pasya ukol sa kanilang pananampalataya.



Nitong nakaraang Palm Sunday sa Ehipto, ilang Coptic Christians na nagsisimba ang namatay sa bombang pinasabog sa kanilang simbahan. Nasundan ito ng pagpigil sa isang grupo ng mga Kristiyanong naglalakbay papunta sa isang simbahan bilang pilgrimage. Bukod sa ninakawan sila, pinilit pa silang itakwil ang kanilang relihyon at manumpa sa Islam. Isa-isang tumutol ang mga taong ito, kabilang ang mga bata, at isa-isa rin silang tumumba sa lupa nang sila ay pagpapatayin ng mga terorista. Dito sa atin sa Pilipinas, isang pari at mga parishioners ang mga unang hostages ng mga teroristang Maute at ISIS na lumusob sa lungsod ng Marawi. Hanggang ngayon hindi pa nalalaman ang sinapit nila.



Sa Mabuting Balita, sinasabi ng Panginoong Hesus na tiyak na magaganap ang matinding pagsubok, kung hindi man pagtuligsa, sa ating mga Kristiyano. Isang araw, kailangan tayong magpasya at pumili lamang ng pinakamahalagang bagay. “Mahalaga ba ang pamilya mo kaysa akin? Mas importante ba ang trabaho mo kaysa akin? Higit pa ba ang trabaho, pera, negosyo, kayamanan o ambisyon mo kaysa akin? Kaya mo bang pasanin ang krus mo o isusuko mo na lang ito?”



Sa awa ng Diyos, sa karamihan sa atin hindi kabilang ang kamatayan dahil sa pananampalataya bilang isa sa pagpipilian. Hindi tulad ng mga Kristiyanong inuusig, marami tayong malaya sa tahasang pag-atake sa ating relihyon. Subalit napakarami pa ring hamon sa ating pananampalataya at sa ayaw natin o gusto, namimili tayo araw-araw kung ano ang priyoridad natin, kanino ang katapatan natin at sino ang kakampihan natin sa buhay. Saan nga ba tayo kumikiling – sa ating sariling kagustuhan, sa layaw ng mundo, o sa mga ugali at istilo ng buhay na labag sa puso ng Diyos?



 Sa tila maliliit at simpleng bagay, dito tayo karaniwan ay bumabagsak. Napakaraming mga Katoliko ang madaling iniiwan ang kanilang pananampalataya pag nakarinig ng turo ng ibang sekta. Kay dali nating umayon sa mga pulitiko kaysa makinig sa gabay ng ating mga pastol ng ating kaluluwa. Kapag nahihirapan na tayo, gumagawa tayo ng palusot sa halip na manindigan sa Salita ng Diyos.



Mahalaga ang mga martir, silang mga namatay at naghirap para sa pananampalataya, dahil nagpapaalala sila sa atin ng pangako ng Mabuting Balita: “Sinumang naghahanap ng buhay ang siyang mawawalan nito. Sinumang nawawalan ng buhay dahil sa akin ang magkakamit nito.”



Maaaring hindi hawig sa kapalaran ng mga martir ang sitwasyon natin ngayon. Pero tulad man lamang ba ng tatag ng kanilang paninindigan ang ating pagpapahalaga sa ating kaugnayan sa Panginoong Hesus?


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS