ANG KAPISTAHAN NG PAGBABAGONG-ANYO NG PANGINOON/ IKA-18 LINGGO
-->
ANG KAGANDAHAN AY
NASA LOOB
Sobrang itinaas na ng media ang
pamantayan ng kagandahan na halos hindi na maabot! Hindi ba sa tv pa lang
sinasabi na sa ating maghangad ng malasutlang balat, maputing kulay, matambok
na masel, at makinang na ngipin? Hindi ba tayo nananaginip na tumira sa bahay
na kumportable at ubod ng gara? Pati ang mga master chef ngayon ay nagsasabing
hindi lang dapat masarap ang pagkain kundi dapat maganda rin sa mata.
Wala namang masama na asamin o
hangaan ang kagandahan. Kaya lang, ang sobrang pagnanasa dito ang ugat ng
kabiguan, kalungkutan, at kapanglawan ng marami. Ilan ang naghihimutok na hindi
maganda ang figure o abs nila, hindi mala-palasyo ang bahay, at hindi kayang
kumain sa pinakabago at sikat na restawran?
Inihahayag ng Panginoong Hesus
ang tunay at maningning na kagandahan, sa Mabuting Balita ngayon(Mt 17). Nang
magbagong-anyo ang Panginoon, pati ang Ama sa langit ay napasigaw: Ito ang
aking minamahal na Anak! Si Moises at Elias ay bumangon sa pananahimik sa
langit. At ang mga alagad ay nabighani at tila ayaw nang bumaba mula sa bundok.
Ito ang kagandahan ng Diyos – ang kagandahan ni Hesus ng Nazaret.
Pero maaari nating itanong: ano
ang maganda sa isang karpinterong naging mangangaral? Ano ang kaakit-akit sa
taong walang ari-arian, walang tirahan, walang makainan kundi libreng handaan?
Sa pamantayan ng mundo, si Hesus ng Nazaret ay hindi puwedeng modelo ng
kagandahan. Ang mundo ay nakakakita lamang ng nasa ibabaw at hirap itong
maghukay nang mas malalim pa.
Ang Diyos ang nakakakilatis ng
tunay na kagandahan, ng walang kupas na kagandahan, ng panloob na kagandahan.
Para sa Diyos, ang tunay na halaga ng isang tao ay hindi sa damit, sa itsura,
sa bahay, o sa pagkain. Ang kagandahan, para sa Diyos, ay iyong nasa puso, ang
kabutihan at kabaitang dumadaloy dito. Ang panloob na kagandahan ni Hesus ay
nakikilala lamang ng mga simpleng walang hilig sa panlabas na anyo, ng mga
taong laging nagtatanong kung ano ba ang nasa likod ng tabing o takip ng mga
bagay o mga tao.
Ano ang pamantayan mo ng maganda?
Mahalaga ba sa iyo ang panlabas lamang o mas habol mo ang panloob na halaga ng
mga bagay? Naniniwala ka ba na kaaya-aya ka kahit hindi ka perpekto? Kaya mo
bang makita ang kagandahan ng Diyos sa kalooban mo?