IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
PABAYAAN LANG
Nagku-kuwento ang
kaibigan ko tungkol sa darating na kasal ng kanyang panganay na anak
na babae. Tinanong ko siya kung saan maninirahan ang mga bagong
kasal. Agad sinabi niyang halos malapit lang sa kanila ang
condominium. At dahil dito, sinabi niya sa magiging mag-asawa na doon
na sa kanyang bahay sila dapat uuwi para kumain, makilaba at
mangolekta ng mga supply na kailangan nila sa condominium. Ipadadala
din daw niya ang kanyang kasambahay para maglinis para sa bagong
kasal. Naramdaman ko tuloy na ayaw pabayaang mag-isa ng kaibigan ko
ang anak niyang handa nang tumayo sa sariling paa.
Bakit nga ba mahirap
pabayaang lumayo ang isang tao? Siyempre, sasabihin nating dahil
mahal natin ang tao kaya mahirap pakawalan ito. Dahil masaya tayo
kapag kasama natin siya, masakit sa loob kapag makikita nating lalayo
sila at mahihirapan sa mga hamon ng buhay. Minsan din, ayaw nating
makitang lumayo ang mga tao dahil sa ating pansariling pakinabang.
Paano kapag hindi na natin sila kontrolado? Baka mawalan tayo ng
importansya sa kanilang buhay.
Naranasan ni Pedro ang
sakit na pabayaang mawala ang Panginoong Hesus nang magsimula itong
magturo tungkol sa kanyang nalalapit na kamatayan sa krus: Huwag
naman Panginoon! Hindi ko hahayaang mangyari iyan sa inyo! (Mt. 16).
Mahal talaga ni Pedro ang kanyang Panginoon kaya ayaw niyang makita
itong dumanas ng pagpapakasakit. Subalit totoo din kaya na umalma si
Pedro dahil alam niyang kapag hinayaan niyang si Hesus na mawala sa
kanya, mawawala na itong tuluyan sa kanyang tabi. Sino pa ang
magbibigay sa kanya ng lugod, ng inspirasyon, ng ligaya? Magiging
bahagi si Hesus ng ibang tao, ibang mundo. Paano na si Pedro? Lalong
mabubunyag ang kanyang kahinaan at mga sugat.
Ipinaliwanag ng
Panginoong Hesus na kung walang daan ng krus, hindi mararating ang
landas ng kaluwalhatian. At hindi lamang siya ang dapat dumaan sa
matinik na daan. Lahat ng alagad niya ay dapat ding hayaan ang sarili
na mawalay sa luho at ginhawa, upang lalong magkaroon ng tunay na
buhay.
May mga tao bang ayaw
nating mawala sa atin? May mahal sa buhay ba na ang hirap tanggaping
aalis o mag-iibang bansa? May kapamilya o kaibigan bang maysakit na
ngayon ay tila malapit nang mauna sa atin? Anu-ano ang mga bagay sa
ating buhay na hindi natin mabitiwan dahil baka lalong mabunyag ang
ating kahinaan, pagiging sugatan at walang sandigan?
Manalangin tayo sa Diyos
para sa biyaya na magpabaya at tumanggap ng buhay!