DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS, BAGONG TAON B

-->
SSSHHHHH!





Bagong Taon na! para sa marami, kapistahan ito ng liwanag, ng tunog, ng ingay! Tingnan na lamang kung gaano karami ang mga lusis na nagsasabog ng liwanag sa madilim na gabi, kung gaano katindi ang mga trumpeta, kanyon, at mga batingaw na nagbabadya ng balita, at kung gaano kalakas ang mga paputok na tila mga tawang nagtataboy ng masasamang espiritu at kamalasan. Ang Bagong Taon ay panahon ng liwanag, ng kilos, ng ingay!



Sa Mabuting Balita ngayon, ang daan sa pakikipagtagpo kay Hesus ay sa pamamagitan ni Maria, ang Ina ng Nagkatawang-taong Anak ng Diyos. Sa halip na ingay, si Maria ay higit sa lahat, sagisag ng katahimikan at kapanatagan. Sa ating isip, nang dalawin si Maria ng arkangel Gabriel, siya ay nagdarasal, nagbabasa o payapang gumagawa sa bahay. Sa pagbasa natin, habang inaaruga ni Maria ang kaniyang sanggol, tahimik siyang nagbubulay-bulay. Walang ibang paraan para matanggap ni Maria ang pagdalaw ng anghel at lalo na ang masalubong ang pagdating ng Anak ng Diyos sa kanyang buhay kundi sa pamamagitan ng katahimikan.



Kailangan natin ng katahimikan upang tanggapin ang mensahe ng Panginoon. Kailangan ang katahimikan upang kilatisin ang presensya niya sa ating situwasyon ngayon. Ganito ang nangyari sa Mahal na Birhen. Ganito rin ang karanasan ni Moises sa ilang bago nagsalita ang Diyos sa nagliliyab na halaman.



Bawat Bagong Taon ay paalala, hindi sa aktibong pakikinig, kundi sa pakikinig na may pagpapaubaya sa sasabihin ng Panginoon sa atin. Kalimitan kasi pag nakikinig tayo, aktibo tayo – matamang hinahanap ang mensahe, sinusuri ang sinasabi sa atin, at namumuo na ang mga tanong sa ating isipan. Sarado man ang bibig, our isip naman ay kumikilos, nagsusuri at nangangatwiran.



Ang Mahal na Birhen ay nakinig na may pagpapaubaya. Nabigla siya pero hindi nakipagtalo. Naguluhan pero hindi sumalungat. Nakinig lamang siya na may malayang pagtanggap sa mensahe at presensya ng Diyos na may pagsuko at pagtitiwala.



Taun-taon ang mga simpleng buhay natin ay dinadalaw ng ingay na hindi inaasahan – karamdaman, kamatayan, pagdurusa, at mga surpresa. Sa mga sandaling iyon kakailanganin natin ang mapanatili ang balanse sa buhay at kapanatagan ng puso at isip hindi lamang upang malampasan ang mga pagsubok kundi upang lumago at yumabong. Dito natin kailangan ang tulong ng Mahal na Birhen upang gabayan tayo tungo sa banal na katahimikan na makapagdadala sa atin ng presensya ni Hesus.



Ngayong Bagong Taon, tunay na nagagalak tayo sa bagong panimula, sariwang pagkakataon na bumubukas para sa atin. Matutunan nawa nating tanggapin ang mga biyaya at mga pagsubok na darating sa diwa ng katahimikan, panalangin at pagsuko, tulad ni Mariang Ina ng Diyos at Ina nating lahat.



Ang Panginoong Diyos ay sumasainyo!






Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS