IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K
4 NA PARAAN NG
PAGHIHINTAY 3:
PAGHIHINTAY NA MAY
KARUNUNGAN, MAY GALAK
Ang mahirap sa paghihintay ay
iyong tila ka ba walang silbi, walang ginagawa, nakahinto lamang. Kaya mahirap
ito para sa marami. Sa mundong nagpapahalaga sa gawain, kilos, palabas, ang
maghintay ay para bang nagpapahinto ng mundo at nagsasayang ng oras.
Subalit sa Bibliya, ang
paghihintay ay aktibong panahon. Natural may mga dapat mahinto tulad ng gawain,
pagtatagpo, pandama. Pero may mga bagay ding nananatiling buhay at kumikilos
tulad ng puso, isip at kaluluwa. Habang naghihintay ang mga bagay na ito ay
nagsasaliksik ng gabay, direksyon at karunungan mula sa Panginoon.
Ang ikatlong paraan ng
paghihintay sa Adbiyento ay PAGHIHINTAY NA MAY KARUNUNGAN.
Sa Mabuting Balita (Jn 1) mainam
na halimbawa sa atin si Juan Bautista. Maaaring inisip ng mga taong nagsasayang
lamang siya ng oras sa ilang, walang nakatunganga, nagtatago lamang sa madla.
Subalit sa katunayan, sa ilang lumalago sa karunungan si Juan. Nakilala niya
ang kanyang sarili at hinarap niya ang kanyang sarili. Buo ang kanyang
pagkatao: hindi siya ang Kristo, ang Propeta o si Elias.
Batid din niya sa kanyang puso na
ang hinihintay niya ay narito na at nananahan na sa gitna ng mga taong hindi
nakakapansin sa kanay. Puno si Juan ng karunungan tungkol sa kanyang misyon –
na magbigay daan sa lalong Dakila, na maging mababang loob sa harap ng
Panginoon, na maghanda sa mga tao upang tuklasin ang Liwanag!
Sa Mabuting Balita (Jn 8),
ipinakikita din ang halimbawa ni Hesus na naghintay na may karunungan. Nang
dalhin sa kanya ang isang babaeng nahuli ng mga matatanda sa pakikiapid, hindi
agad-agad tumugon ang Panginoon. habang galit na galit ang madla, yumuko si
Hesus sa lupa at nagsulat nang tahimik, naghihintay ng karunungan mula sa Ama.
At sa wakas, nang magsalita siya, ipinahiya niya ang mga ipokritong nagdidiin
sa babae, at pinuspos niya ng galak ang babaeng handang nang magbagong-buhay.
Tulad ni Juan sa disyerto, tulad
ng Panginoon sa kanyang pangangaral, maghintay tayo lagi sa karunungan. Tumigil
sandali bago magsalita o kumilos. Mag-isip bago mag-click sa social media.
Magdasal bago magpasya. Ipagpaliban ang husga hanggang hindi tiyak na tiyak. Kumilos
hindi padalus-dalos kundi mula sa pusong payapa at panatag sa Diyos. Sa
ganitong paraan, dadaloy ang kagalakan sa mga tao sa paligid natin, silang
mabibiyayaan ng karunungang tinatanggap natin mula sa itaas.