IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY B
ANG BATO
Palabiro ang tadhana. Isang batang
lalaki ang nag-apply pero hindi tinanggap sa isang exclusive high school para
sa mga lalaki. Malungkot man, nagpatuloy siya sa isang public school kung saan
nagsumikap siyang lumago. Nang maging isang propesyunal na siya, naging director
siya ng paaralang hindi tumanggap sa kanya maraming taon na ang nakalilipas.
Isinasalarawan ni San Pedro ang
Panginoong Hesus bilang bato, isang batong panulukan. Ang imaheng ito ay halaw
sa Aklat ng mga Awit o Salmon na nagsasaad ng “batong tinanggihan ng mga
manggagawa na naging panulukang bato.” Noong unang panahon, ang mga manggagawa
ng isang gusali ay naghahanap muna ng de-kalidad na batong gagamitin sa
konstraksyon. Ang pinakamahalaga dito ay ang panulukang bato – ang una
inilalagay sa pundasyon at huling inilalagay para sa pagtatapos ng gusaling
ginagawa. Kapag natagpuan ito, nagagalak sila.
Inilalahad ni San Pedro ang
naganap sa buhay ng Panginoon. Walang nakitang mabuti ang mga matatanda at
pinuno kay Hesus maliban sa pagiging istorbo, panganib at banta sa kanilang mga
kaugalian at kaisipan. Sa pagligpit kay Hesus, tinanggihan nila ang hindi nila
inaakalang magiging batong panulukan ng Diyos para sa kaligtasan ng Israel at
ng buong mundo. Sa Muling Pagkabuhay, ipinahayag ng Diyos na siya ang Ama ni
Hesus at pinagtibay niya ang kanyang piniling kasangkapan ng pagkakasundo ng
buong sangkatauhan sa kanyang sarili. Kay laki ng pagkakamali ng mga tao noon!
Patuloy bang tinatanggihan ngayon
ang Panginoong Hesus? Sa ibang bansa may mga taong tumatatalikod sa kanilang
pananampalataya at yumayakap sa buhay ng pag-aalinlangan at pagdududa. May mga
nagpepetisyon na tanggalin sa record ng binyag ang kanilang mga pangalan. Maraming
mga kabataan ang umuuwi mula kolehiyo o trabaho na ayaw nang magsabuhay ng
relihyong ipinamana ng kanilang mga magulang.
Mga Kristiyano man ay tumatanggi
sa Panginoon, kahit hindi tahasan o hindi halata. Nagsisimba tayo pero hindi
patas ang pagtingin natin sa tao. Nangangaral tayo ng Salita ng Diyos para sa
ating kapakinabangan at hindi sa paglilingkod. Ang daming seminar o conference
tungkol sa pagpapahayag ng Ebanghelyo gayung hindi naman tayo maawaain o
mapagmahal sa mga taong mababa sa atin. Nagakakagulo tayo sa pagsalubong sa
relic ng isang santo pero balewala lang sa atin ang mga naghihirap na mga dukha
sa paligid.
Maging tapat nawa tayo ngayong
Pagkabuhay sa hamon ng Panginoon. Sa anong paraan natin tinatangghihan ang
Panginoon sa ating buhay? Anong bahagi ng ating sarili ang sarado, hindi
apektado o walang pakiramdam sa presensya, mensahe at kahilingan sa atin ng
Panginoon? Inaanyayahan ba tayo ni Hesus ngayon na kilalanin at ipamansag siya bilang Panginoon higit pa sa salita, ay sa ating mga gawa ng katapatan at kababaang-loob?