IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY
-->
HABAG NA NAGPAPALAYA
Bumili ng pagkain para sa pamilya
ang isang lalaki. Nang pauwi na, binaril siya ng tatlong lalaki, ninakawan at
iniwang naghihingalo. Sa korte bago ang paglilitis,niyakap ng ina ng lalaking
pinatay ang pinakabata sa mga bumaril sa anak niya. Niyakap din niya ang ina
nito. Sinabi ng babae sa pumatay sa anak niya: Hindi ako galit sa iyo. Hindi ito
ang paraan. Awa at patawad… iyan ang aking paraan.”
Isipin natin ang naganap sa
Pagkabuhay ni Hesus. Kapagdaka matapos siyang mabuhay muli, itinulak ng
Panginoon ang batong takip sa pintuan ng libingan. Mula doon, iniwan ni Hesus
ang lamig, kadiliman, at pagkatuyot ng kamatayan upang salubungin ang bagong
liwanag at buhay na ibabahagi niya ngayon sa mga alagad. Kabaligtaran naman ang
kilos ng mga alagad na nagkulong sa isang lugar, nagtipon dahil sa takot, ayon
sa ebanghelyo (Jn 20:19), sa mga Hudyo. Kahit na Hudyo rin sila mismo! Takot ba
ang mga alagad sa kanilang mga sarili?
Ang unang pagpapakita ng awa ni
Hesus sa kanyang mga alagad ay ang alisin ang kandado ng kanilang takot at
akayin sila papalabas sa pagtatago; palayain sila! Nais ng Panginoon na mamuhay
ang mga alagad sa kalayaang tinatamasa niya ngayon.
Naghahangad ng kalayaan ngayon
ang mga tao. Ang mga kabataan ay nangangarap maging malaya upang maging
kanilang tunay na sarili, makihalubilo sa mga nais nilang kaibigan, at magawa
ang nais nilang gawin. Ang mga grupo sa lipunan ay nakikibaka para malayang
tamuhin ang kanilang mga pakay. Halos lahat tayo ay dumaranas ng kalayaang
dulot ng internet kung saan maaari tayong maglakbay, mag-aral, maglibang,
magdasal, magsaliksik at tumuklas ng anumang nais natin.
Ang kalayaang kaloob ni Hesus ay
kakaiba at mas malalim. Ito ang kalayaang maging tulad niya, gawin ang ginawa
niya, ibigay ang sarili sa ating mga kapatid tulad ng pag-aalay niya. Hindi ito
medaling gawin. Tulad ng mga alagad hindi ba mas pakiramdam nating ligtas at
payapa kung ang mga kasama natin ay katulad din natin? Takot tayong lumabas sa
ating sarili, o sa ating grupo at ipahayag ang ating pananampalataya,,
takalayin ang ating pag-asa at ibahagi ang ating pag-ibig.
Ang awa ni Hesus ay nakapaloob sa
kanyang kilos na nagpapalaya sa kapwa. Sa pagtanggap natin ng awa niya, ng
kalayaan niya, ipagdasal nating tamuhin ang biyaya na palayain din ang kapwa sa
tulong ng ating salita at gawang puno ng kabutihan, pagpapatawad, pang-unawa at
habag.