IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K



TUNAY NA PATOTOO NG PANANAMPALATAYA





Paano mo ilalarawan ang taong puno ng pananampalataya?



…iyong laging handang makipagdebate at magtanggol laban sa mga namumuna at naninira?



…iyon bang kabisado ang Bible, katesismo, at batas ng simbahan?



…iyong kayang walang pagod makilahok, sumapi, at maglingkod sa mga gawain?



…iyon sigurong walang sawa sa pagdarasal, sakripisyo at pagninilay?



Nang lumapit ang mga alagad sa Panginoong Hesus upang hingin na “Dagdagan mo po ang aming

pananampalataya,”



ang ibinigay ng Panginoon na larawan ng matatag na pananampalataya ay ang pananampalatayang kasing liit ng butil ng mustasa!



Nakakita ka na ba ng butil ng mustasa? Siguro hindi pa, at kung oo naman, tiyak hindi mo na ito matatandaan. Paano ba naman, sobrang liit nito. Parang tuldok na halos di mapansin!



Kaya nga, ang pananampalataya ay walang kaugnayan sa kung



…gaano kalakas ang boses mo sa pagpapaliwanag ng paniniwala mo



…gaano kalawak ang kaalaman mo sa mga aral at doktrina



…gaano katindi ang pagpapakita mo ng iyong pananampalataya sa tulong ng Bibliya, rosaryo, eskapularyo at mga medalya sa leeg mo



…gaano kahaba ang mga dasal o panata na ginagawa mo tuwina.



Ang tunay na pananampalataya, ayon sa Panginoong Hesus, ay nalalaman sa kung gaano kaliit mo itinuturing ang iyong sarili sa harap ng Diyos at sa ugnayan mo sa kapwa tao.



Sa madaling sabi, ang taong puno ng pananampalataya ay ang taong mapagpakumbaba alang-alang sa pagmamahal kay Kristo.



Si Hesus ang Mapagpakumbabang Anak ng Diyos at walang mas mainam na paraan ng pagsunod sa kanya, pagpapahayag sa kanya, at pagbabahagi sa kanya kundi ang maging mababang-loob din.



Sa talinghaga ngayon, sinasabi ng Panginoon na ito ang pananaw, ang ugali, na inaasahan niya sa isang may tunay na pananampalataya.



 “Ako ay walang silbing alipin, ginagawa ko lamang ang inaasahan ng Diyos sa akin.”





Naaalala ninyo si St. Bernadette Soubirous, ang batang nakakita ng pangitain ng Mahal na Birhen ng Lourdes?



Nang pumasok siya sa kumbento, kuntento siyang nagtrabaho ng maliliit na gawain doon – pag-aalaga sa maysakit at paglilinis ng sakristiya ng kapilya.



Sobrang mababang-loob siya na ang mga bagong madre ay hindi man lang naghinala na siya ang sikat na nakakita sa Mahal na Birhen.



Minsan siyang tinanong tungkol sa mga pangyayari sa Lourdes at tungkol sa kanyang mahalagang gampanin dito at sinabi niya:



“Isa lang akong hamak na walis tambo sa kamay ng Birhen. Nang matapos na ang gawain ko, ang walis ay muling itinago sa likod ng pintuan.”



Nananalangin tayo para sa mas malaki, mas malago, mas matingkad na pananampalataya, tulad ng mga alagad.



Ang tugo ng Panginoon naman ay mas dapat tayong magdasal para sa kababaang-loob upang matamo ang tunay na pananampalataya.



Siguro panahon na upang hilingin nating madagdagan ang ating kababaang-loob!






-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS