IKA-6 NA LINGGO NG PAGKABUHAY A



BAGONG ESPIRITU 
PARA SA BAGONG NORMAL




Nabubuhay ang mundo ngayon sa pangamba. Ang daming nawala sa atin.

Sa ating bansa, bago pa man ang corona virus, naranasan na natin ang pagsabog ng bulkan.

Ngayong tapos na ang lockdown o quarantine, takot pa rin tayo sa ating kinabukasan.

Paano kung magbalik ang virus? Paano ang kalusugan? Ang katayuang pinansyal? Ang mga takot at agam-agam?

Ang sagot daw diyan ay ang mamuhay sa “bagong normal” – new normal.

Kailangang matuto na mamuhay at magtrabaho na may agwat sa isa’t-sa. Kailangan pumila bago makapamili sa palengke o grocery. Kailangang mag-biyahe na hindi puno at siksikan. Patuloy ang pagsisimba sa tv o sa internet. Laging nakatakip ang ilong at bibig.

Ang bagong normal ay isang bagong buhay na puno ng mga pagbabawal o paghihigpit.

Sa pagdiriwang natin ng ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay, inihahanda tayo sa pagtanggap sa kaloob ng Ama at ng Anak.

Sa unang pagbasa mula sa Gawa 8, matapos mabinyagan ang mga Samaritano sa ngalan ni Hesus, ang mga alagad ay nagtungo doon upang ipatong ang mga kamay sa kanila at nang tanggapin nila ang Espiritu Santo.

Ang gawaing ito ay patuloy pa rin sa simbahan ngayon. Matapos mabinyagan, at maging mga kapatid ni Kristo, tayo naman ay kinukumpilan upang tumanggap sa Espiritu Santo at maging kumpleto ang ating karanasan sa pagmamahal ng Diyos.

Inampon ng Ama, tinubos ng Anak, pinababanal ng Espiritu Santo…

Bakit nga ba kailangan pa ang Espiritu Santo? Kay Hesus, nabigyan tayo ng bagong buhay – na malayo sa kasalanan, maling gawi, masamang ugali, buktot na gawain.

Subalit ang bagong buhay ay hindi madali. Tanungin lamang ang isang bagong layang bilanggo, o nagpapagaling  na adik o nagbabalik na ofw.

Hindi ba ang daming adjustment? Dapat masanay sa bagong kilos. Dapat magkaroon ng bagong pananaw at kaisipan.

Nang dumating ang mga alagad upang ibahagi ang Espiritu Santo, dala nila ang isang dakilang regalo, isang mabathalang tulong mula sa langit.

Ang Espiritu Santo ang ating Dakilang Kaibigan na magpapaalala sa ating ugnayan sa Ama; magdadala sa atin sa harap ni Hesus tuwina; magbubuklod sa atin sa ating mga kapatid sa diwa ng pagmamahal at pagkakaisa.

Bagong buhay, bagong espiritu – ang Espiritu Santo – na dadaig sa lumang espiritu na namayani sa ating puso dati.

Habang nagsisimula tayo sa new normal sa lipunan, at nagpapatuloy ng ating bagong buhay na ipinagdiwang sa Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, anyayahan nating dumating sa ating puso ang Espiritu Santo, lagi at paulit-ulit.

Tulungan nawa niya tayong maging mulat sa kaugnayan natin sa Ama at sa presensya ni Hesus. Alalayan nawa niya tayo habang nagmamahal at gumagalang sa ating kapwa tao sa tahanan man o sa lipunan.

Huwag matakot sa new normal. May new spirit sa ating puso. Halina, Diyos Espiritu Santo!

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS