PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON A
BABANGON TAYO…
LILIPAD PA NGA!
photo from the internet
Sa gitna ng lockdown, isang
kaibigan ang nagtanong sa akin: Father, sa tingin mo ba makakabangon pa tayo
pagkatapos nito?
Hindi lang ang tanong niya ang narinig
ko; pati ang lungkot at takot. Sa dami ba naman ng kamatayan, pagkalugi,
pagkawala ng trabaho, gutom, at kawalang katiyakan sa hinaharap – lahat na yata,
dumating sa atin! Ang daming nabaliw dahil dito a!
Agad akong sumagot, isang matunog
na “Oo naman!” Kaya natin ito!
Natural, gusto kong kalamayin ang
damdamin ng kaibigan ko. Sa totoo lang, hindi ko naman alam kung paano tayo
makakabawi… o kailan.
Sa kaibuturan ng puso, ang alam
ko lang, mangyayari iyon!
Isang dating estudyante ko ang nagkuwento
na sa kasaysayan daw mula noong 1700, tuwing 100 taon ay may epidemya. At tuwing
matatapos ito, kasunod ang pagyabong ng buhay at ang paglago ng kaunlaran para sa
lahat.
Ngayong Pista ng Pag-akyat sa Langit
ng Panginoon Hesus, alam natin ang dahilan kung bakit tiyak tayong babangon
mula sa mga abong iniwan ng corona virus, tulad din ng abong iniwan ng Taal
volcano… at mga abo ng iba pang pinagdaanan nating mga pagsubok.
Hindi lang positive thinking,
higit pa sa pagpaplano ng ekonomiya, daig pa ang maayos na health care, lampas
pa sa disiplinang pampubliko, babangon tayo dahil sa ating pananampalataya kay
Hesus na nagbibigay ng tapang upang malampasan natin ang anumang balakid sa buhay.
Isipin na lang natin kung paano
si Hesus ay nagdusa… di makatarungang panghuhusga, pahirap, pasakit, pagpapako sa
krus, pagkamatay. Sa isang walang pananalig, tapos na ang lahat!
Sa unang pagbasa (Gawa 1:1-11),
nakita nating hindi lamang siya buhay muli kundi umaakyat sa luwalhati ng
langit. Nangangako siyang ang mga alagad niya ay “tatanggap ng kapangyarihan sa
pagdating ng Espiritu Santo,” at na mamamalagi siyang kasama nila (Mt
28:16-20), sa isang mahiwaga ngunit tunay na pamamaraan!
May gaganda pa bang inspirasyon,
may lalakas pa bang pang-ganyak, may titindi pa bang pangako para sa atin sa panahong
ito na dahan-dahan nating binubuo muli ang buhay at lipunan?
Ang Diyos natin ang gumagabay at
nangangalaga sa atin mula sa langit. Taglay natin ang Espiritu Santo. At narito
siya sa ating puso, sa ating kalooban, nagbibigay lakas upang lumaban at umasa sa
mga mabubuti pang magaganap.
Halos 2 buwan ang pinsan ko sa ospital
dahil sa covid-19; laging tulog habang may tubo sa lalamunan. Pero nang
tanggalin ang tubo at nagkamalay, ang una niyang hiling sa asawa ay ang umuwi na
– ngayon na! Nang tanungin ng doktor kung alam niya anong araw noon, ang alam
niya daw ay araw na para pumasok sa trabaho!
Nang marinig namin iyon, alam naming
survivor na siya. Bumabangon na at lumalaban para sa karapatang mabuhay at
tamasahin ang buhay kasama ang mga minamahal.
Maganda ang buhay pero hindi
madali. Laging may lubak na dadaanan at minsan babagsakan. Subalit kung kapit
lang sa Panginoong Hesus, babangon tiyak kung saan nadapa o nabuwal.
May isang commercial ng kape na ang
ganda ng mensahe: babangon tayo… susulong tayo…
Sinasabi sa atin ng Panginoong
Hesus ngayon: Babangon tayo… susulong tayo… lilipad pa at aakyat sa ibabaw ng
lahat ng pagsubok dahil sa ating pananampalataya sa kanya!.
Paki-share sa kaibigan…