IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG GANTIMPALA NG PAGBIBIGAY
May mga mongha na dumating sa isang malayong bayan upang magsimula ng monasteryo doon.
Subalit ang tumambad sa kanila ay isang malawak na lupa na walang nakatayong anuman – tanging matataas na talahib, tigang na lupa, at mga naglalakihang bato.
Nang mabatid ito ng isang pamilya sa bayan, inanyayahan nila ang mga mongha na sa kanilang bahay muna manirahan. Hinati nila ang bahay para may privacy ang mga mongha at may lugar naman ang pamilya para sa kanilang sarili.
Ang mabubuting may-ari ay nagbahagi ng kanilang tubig, kuryente at serbisyo sa mga mongha. Pati ang maliit na anak na lalaki ay naging taga-takbo ng mga mongha kapag may kailangan sa labas.
Makalipas ang ilang taon, lumipat din ang mga mongha sa bago nilang monasteryo.
Ilang taon pagkatapos, ang batang lalaki na anak ng mag-asawa ay pumasok sa seminaryo, naging pari, at nag-aral pa sa ibang bansa.
Nagantimpalaan ang bukas-palad at mapagtiwalang pananampalataya ng mga magulang niya ng isang bokasyon sa pamilya.
Ang unang pagbasa ngayon (2 Hari 4) ay nagsasaad ng pagbibigay ng mag-asawang taga-Sunem kay Propeta Elias, sa pag-aalaga nila at pagkupkop sa propeta tuwing dumadalaw ito.
Nang malaman ng propeta na ang problema ng mag-asawa ay ang kawalan ng anak, nangako ito na sa pagbalik niya sa susunod na taon, meron na silang anak na lalaki. Gantimpala sa kanilang pagbubukas-palad at pagbabahagi sa propeta.
Nakakatuwang isipin na ang pagiging bukas-palad ay umaani ng mga biyaya mula sa Diyos. Sa Mabuting Balita ngayon, ipinangako ng Panginoong Hesus na kahit isang basong tubig na ibinabahagi nang may pagmamahal ay gagantimpalaan ng Diyos.
Bakit mahal ng Diyos ang mapagbigay at handang dumamay sa kapwa?
Kasi po, ang Diyos mismo ang bukal ng pagbibigay, ugat ng pagbabahagi, at simula ng pagtulong. “God loves a cheerful giver” (2 Cor. 9: 7b) – yan ang sabi ni San Pablo; ito ay dahil nakikita ng Diyos sa puso ng mapagbigay ang sarili niyang puso.
Minsang atubili tayong magbigay o tumulong kapag mahirap ang buhay dahil baka tayo naman ang mawalan. Di ba kakatuwang pananaw ito? Nais mong tulungan ka ng Diyos na makalampas sa krisis, pero ayaw mo naman gayahin ang Diyos sa kanyang kabutihan. Nais nating maranasan ang kabutihan niya sa atin, pero takot naman tayong maging mabuti sa iba.
Kapag nangyari iyan, may problema sa tiwala. Tunay ka bang nagtitiwala sa Panginoon?
Sa aking karanasan sa mga tao, nasaksihan kong lalong pinagpapala ang mga mapagbigay; hindi lang materyal o pinansyal kundi payapang isip, galak ng puso, kalusugan, at proteksyon sa kapahamakan.
Nakita ko rin naman na ang mga ayaw o takot magbahagi o tumulong ay buong buhay na takot mawalan o maubusan; hindi tunay na masaya at hindi kuntento kahit ang napapalibutan sila ng karangyaan.
Ang nakalipas na pandemya ay nagdala ng malaking pagsubok. Nakakagulat ang mga taong nagpakita ng pananaw Kristiyano ng pagtulong sa kapwang nangangailangan. Kay ganda kung laging magpapatuloy ito bilang ugali natin araw-araw.
Sa bahay dati, kapag nagpapasya kami kung tutulong ba o hindi sa isang lumalapit, dahil hindi naman kami mayaman, laging ipinapaalala ng aking ina ang narinig niya sa aming parish priest: “Walang tumulong sa kapwa na hinayaan ng Diyos na mamatay sa gutom.”
Magdasal tayong maging bukas-palad at matapang magbahagi… tulad ng tatag ng pagbabahagi ng Panginoon sa atin ng kanyang sariling Anak at ng Espiritu Santo.
(Maging generous ka naman sa pagbabahagi ng blog na ito sa iba…)
Comments