BAGONG TAON, MARIA INA NG DIYOS, B
HIGIT PA SA PAPUTOK
Hindi kumpleto ang Bagong Taon natin kung walang
paputok. Galing ito sa tradisyong Chinese; ang ingay at liwanag daw ang
nagtataboy sa malas upang matira lamang ang buenas.
Kaya lang para sa ilan, ang natitira lamang
pagkatapos ng putukan ay ilang mga daliring hindi naputol!
Ngayong Bagong Taon, hindi kuntento ang Diyos sa
paputok lamang. Ang gusto ng
Panginoon ay pasabog!
Naghahanda ang Diyos ng pasabog ng biyaya para sa
iyo sa taong ito! Hindi lamang
buenas, hindi lamang tsamba… sa halip, biyaya, grasya, na umaapaw at nananatili
sa lahat ng sandali.
Ihanda ang sarili sa pasabog na biyaya at buksan ang
puso sa Diyos na nagdadala ng biyaya sa ating buhay.
Salubungin ang biyaya ng kapayapaan. Ito ang
kailangan ng mundong nasa gitna ng giyera. Ito ang kailangan n gating bayang
naghihikahos. Ito ang kailangan ng pamilyang watak-watak. Ito ang kailangang ng
pusong naguguluhan. Ang Diyos ang
sanhi ng kapayapaang ito!
Salubunging ang biyaya ng pagmamahal: bumabaha ng
pagmamahal tuwing Pasko pero kung pararangalan natin ang Diyos, buong taon at
buong buhay natin ay mapupuno ng pagmamahal na magbibigay kulay sa atin.
Salubungin ang biyaya ng kaunlaran: para sa ating mga
nagsisikap at nagtitiwala sa Diyos, may mga bagong pagkakataon, bagong tsansa,
bagong paglago, bagong karanasan ng pagbibigay at pag-unlad mula sa Diyos.
Salubungin ang biyaya ng awa at habag: ito ang isang
regalong hindi masasaid kailanman mula sa kamay ng Diyos. ang kanyang awa ay
walang hanggan sa mga nagmamahal at sumusunod sa kanya. Sa pagdating ni Pope
Francis, ito ang mensahe na nais nating marinig at ibahagi sa lahat.
Ihanda ang sarili para sa Diyos na kapiling nating
sa bagong taon! Dala niya ay hindi
paputok lamang, kundi tunay na pasabog ng mga biyaya! Amen!