KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK, B




PAMILYANG LUBOS NA BUKAS


Sa paligid natin, maraming iba’t-ibang uri ng pamilya.

May wasak na pamilya dahil sa alitan.  May hiwalay na pamilya dahil sa pagkakalayo-layo.  May sugatang pamilya dahil sa sakit ng paghihirap.  May mga magulong pamilya na hindi normal ang takbo at nagbubunga ng pagkasira ng mga miyembro nito.

Kaya nga, kailangan natin ang Banal na Pamilya ng Nasaret. Kaya nga, matapos ang Pasko, nais ng Diyos na pagmasdan natin ngayon ang kanyang pamilya.  Ito ang ating pangarap na pamilya, ang ating modelong pamilya, ang ating inaasahang pamilya.

Paano naging banal ang pamilyang ito? Dahil sa kanilang pagiging bukas.

Bukas ang mga kasapi ng pamilyang ito sa Diyos: nang ninais ng Diyos na pumasok sa daigdig, hindi Siya itinaboy ni Jose at Maria. Nang malaman nilang may plano ang Diyos para sa mundo, masayang sinalubong nila ang Diyos kahit mahirap maunawaan ang kilos ng Diyos.

Bukas din sila sa isa’t isa: bukas-palad na tinanggap ni Maria na maging Ina ng Anak ng Diyos.  Malayang inako ni Jose si Maria bilang maybahay kahit naguguluhan siya. Niyakap ni Hesus ang dalawang simpleng mga taong ito bilang kanyang ama at ina sa lupa.

Bukas sila sa kapwa:  nang kailangan nang mag-misyon si Hesus, hindi siya pinigilan kundi patuloy na sinuportahan ng Kanyang pamilya upang makapaglingkod siya sa maraming tao.

Subalit ang Banal na Pamilya ay hindi perpektong pamilya. Mayroon din silang mga paghihirap, pagsubok at pagsusumikap tulad ng lahat ng pamilya. At mabuting balita ito para sa atin.  Hindi kailangang maging perpekto ang ating pamilya upang maging banal ang ating pamilya.

Ang Banal na Pamilya ay binubuo ng mga tao na lubos ang pagiging bukas sa Diyos, sa isa’t isa at sa kapwa. Sana sa tulong ng Diyos at sa pagsusumikap natin, maging ganito rin ang ating mga pamilya.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS