IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA B



PABORITONG EBANGHELYO

Hindi makakalimutan ang pagdalaw ni Pope Francis sa ating bansa ngayong taon. Maraming kasaysayan ang iniwan niya sa Tacloban. Sa unang pagkakataon, nagmisa ang santo papa sa gitna ng isang bagyo. Sa unang pagkakataon, nagmisa ang isang santo papa suot ang kapote or raincoat. Sa unang pagkakataon, nagbuwis ng buhay ang  isang Pilipinang kabataang volunteer upang maging matagumpay ang pagdalaw ng santo papa.

Pero makasaysayang lalo ang mga salit ang santo papa. Hindi niya ginamit ang kanyang nakahandang talumpati. Galing sa puso ang kanyang mga salita. Simpleng mensahe, para sa isang simpleng mga tao. Mahal kayo ni Hesus! Sa krus, kasama kayo ni Hesus! Maigsi ang homily niya pero tila ito ang pinakamagandang homily ng taong 2015.

Sa ebanghelyo ngayon, Jn 3: 14 ff, narito ang paboritong sipi sa buong mundo. Simple ang mensahe pero napakalalim ng kahulugan nito. Ito ang mensaheng iniintay at inaasahan ng lahat ng tao. Habang binabasa ko ito, nabubuo ang pag-asa. Mahal ng Diyos ang lahat sa mundong ito, kaya ibinigay niya sa atin ang sarili niyang Anak upang magkaroon tayo ng buhay!



Hindi na kailangan ang malalim na teolohiya dito. Ni ang madamdaming salita. O mga mahabang paliwanag. Mahal ka ng Diyos! kahit sino ka pa at ano man ang nagawa mo sa iyong nakalipas, mahal ka ng ating Ama at mahal ka ni Hesus na nag-alay ng buhay para sa iyo sa krus.

Maraming tao ang nakarinig na nitong mensahe at nakakalungkot, lumipat sa ibang mga simbahan at sekta. Bakit? Kasi tayong mga Katoliko, tila pinapahirapan nating maramdaman ng mga tao ang mensaheng ito ng ebanghelyo. Mahilig tayo sa mga dokumento, mga batas, mga pormal na pagtitipon, mga kilos at ritwal at mga salitang nakakasira ng loob. Nakakalimutan nating manahimik, ngumiti, mag-relax at tanggapin sa puso ang pinakamahalaga: ang Diyos ay pag-ibig at mahal niya tayong lahat!

Ngayong  Kuwaresma, lumublob tayo sa pag-ibig ng Diyos muli. Ibahagi natin ito sa kaibigan o mahal sa buhay. Ipadama natin ito sa kilos at di lamang sa salita.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS