IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA B
ANG GALIT NG DIYOS AY
PANANDALIAN
Gusto natin ang isang Diyos na magiliw kaya nga may
mga larawan tayo ng nakangiting Kristo, nakatawang Kristo, at masayahing
Kristo. Ito ang mga larawang
nakakabighani sa ating atensyon ngayon.
Sa ebanghelyo, Jn 1: 13-25, hindi itinatago sa atin
na may kakaiba pang mukha si Hesus – ang galit na Hesus! Sobra ang galit niya na sumabog ito,
gumawa siya ng lubid na hagupit at inilabas niya ang kanyang galit sa mga bagay
na nagiging tampulan ng pansin sa templo. Nagtakbuhan at nagtako tiyak ang mga
tao upang hindi mapahamak pagdaan ng Panginoon!
Ano ang nangyari at ang maamong Hesus ay humantong
sa di mapigil na galit? Upang maunawaan ito, balikan natin ang unang pagbasa,
Exo 20: 1-17, kung saan sinasabi na ang Diyos ay mapanibughuin, seloso,
naiinggit din. Nagalit si Hesus dahil nagselos siya; nagselos siya para sa
kapakanan ng Kanyang Ama.
Nagalit si Hesus dahil hindi na ang Diyos ang sentro
ng templo. Naroon ang mga tao, pero bulag sila sa presensya ng Panginoon.
panatag ang mga tao sa kanilang kaisipan tungkol sa Diyos pero walang
nagagawang pagkakaiba ito sa kanilang buhay. Tulad ng Ama, nagselos si Hesus
dahil binabalewala ng mga tao ang Diyos at pinapalitan ng mga bagay na
lumilipas lamang.
Ang galit ni Hesus ay hindi naging marahas o
biyolente; walang sinasabing sinaktan na tao o hayop man; pinalayas lamang niya
ang mga ito sa templo. Pero kinailangan niyang ipahayag ang kanyang emosyon
para yanigin at yugyugin ang mga pusong walang pakiramdam. Ipinakita niya ang
kanyang emosyon upang liwanagan ang mga tao. May nakaunawa at meron ding hindi
nakaintindi sa kanyang ginawa.
Kung darating kaya si Hesus ngayon, at sisilipin ang
ating puso, magiging tulad din kaya ng ebanghelyo ang kanyang reaksyon? Sasabog
din kaya ang kanyang galit dahil sa ating puso ay may ibang nakaupo – tao man o
bagay - sa trono na para lamang sa Diyos? hayaan nating ang galit ni Hesus ay
gumising sa atin ngayon at magturo sa atin na pahalagahan ang ugnayan natin sa
Ama.