LINGGO NG PALASPAS, B
PAGPAPAKASAKIT NI HESUS,
PAGPAPAKASAKIT NATIN
Ang Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng
Panginoon ay isang makahulugang simula ng mga Mahal na Araw o Semana Santa.
Bilang mga Katoliko, maraming nakakakuha ng atensyon natin. Abala tayo na
mabasbasan ang mga palaspas natin. Humahanga tayo sa mga prusisyon at mga
ritwal. Nilalamon tayo ng maraming tradisyon sa tahanan at kapaligiran tuwing
ganitong panahon.
Subalit ang tunay na kahulugan ng Mahal na Araw, ng
Linggo ng Palaspas ay wala sa labas ng ating puso. Ito ay nasa loob natin. Ang
Pagpapakasakit ni Hesus ay pagpapakasakit din natin. Sa katunayan, dumaan si
Hesus sa pagpapakasakit niya dahil nais niyang yakapin ang nakikita niyang
pagdurusa na dinadala ng kanyang mga kapatid araw-araw.
Ang tunay na kahulugan ng Pagpapakasakit ni Hesus ay
ang ating mga pagdurusa na inuugnay natin sa kanyang paghihirap. Nakikita natin
ngayon si Hesus, may pasang krus, nakadipa sa krus, namatay sa krus. Pero hindi
kaya nakatingin din siya sa atin ngayon at pinagmamasdan kung paano nangyayari
din ito sa ating lahat? Inialay ni Hesus ang kanyang pagpapakasakit sa Ama.
Inaanyayahan tayong ialay din ang ating pagdurusa sa Ama sa tulong niya na
kapiling nating nagpapasan ng krus ng buhay.
Ano ang pagpapakasakit mo ngayon? Marami sa ating
matagal nang nagpapasan ng krus habang pinipilit nating itaguyod ang isang
magulong ugnayan. Alam natin ang pait ng pagkakanulo at pagtataksil ng isang
pinagkatiwalaan. Tumutulo ang luha natin sa gabi habang dama natin ang
pag-iisa. Sumasakit ang ating katawan dala ng karamdaman at ng matinding
trabaho para sa mga mahal sa buhay. Tila napupunit ang ating kaluluwa sa
konsyensya ng kasalanan, sa adiksyon, sa takot para sa nakalipas at sa darating
pang mga bagay. Matanda o bata, babae o lalake, lahat tayo ay may
pagpapakasakit sa buhay. At ito, higit pa sa palaspas, ang dapat nating
iwagayway sa Panginoon para pagpalain niya.
Bilang mga Kristiyano, nananalig tayong isang araw,
ang ating pagpapakasakit ay magiging Pagkabuhay. Tayo ay mga bilanggo ng
pag-asa dahil hindi tayo alipin ng kawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay
makapangyarihan at sa kanyang panahon, sa kanyang kabutihan, gagawin niyang
tagumpay ang ating krus sa buhay.
Kung naniniwala tayo dito, ipagdiwang natin na may
pag-asa ang Mahal na Araw.