SAINTS OF JUNE: SAN EFREN, DIYAKONO AT PANTAS NG SIMBAHAN
HUNYO 9
A. KUWENTO NG
BUHAY
May dalawang bersyon ang salaysay tungkol sa ating
mahal na santo sa araw na ito. Ang una ay ipinanganak siya bandang taong 306 sa
isang pamilyang Kristiyano sa Nisibis sa Mesopotamia. Ang lugar na ito ngayon ay nasa teritoryo ng bansang Turkey.
Subalit isa pang kuwento ang nagsasabi na ang
pamilya ni San Efren ay hindi Kristiyano. Kaya nang maisipan niyang magpabinyag
bilang Kristiyano, itiniwalag siya ng kanyang pamilya dahil hindi nila
matanggap ang kanyang desisyon. Sinasabing 18 taong gulang siya nang siya ay
mabinyagan.
Ang taguri sa kanya ay Diyakono, ibig sabihin, hindi
siya na-ordenan bilang isang pari at nanatiling diyakono hanggang sa dulo ng
kanyang buhay. Maaari din na ayaw
niya ring maging pari kaya pinili niyang maging diyakono ng simbahan.
Pinagkatiwalaan ng obispo si San Efren ng tungkulin
bilang diyakono at inatasan na magtayo ng paaralan. Nang dumating ang mga
Persians at sakupin ang Mesopotamia, umalis ang mga Kristiyano. Nilisan ni San
Efren ang kanyang bayang tinubuan at nanirahan sa Edessa, na ngayon ay isang
lugar sa Iraq. Dito sinasabing
nagtayo siya muli ng isang paaralang para sa Teolohiya.
Inasam ni San Efren ang isang buhay ng panalangin at
sakripisyo. Pero hindi siya naging isang ermitanyo na laging malayo at nakatago
sa kanyang kapwa tao. Bagamat nakatira sa isang kuweba, umaalis siya dito upang
mangaral at magturo sa mga tao.
Maraming naging aral si San Efren tungkol sa
pananampalataya, sa gampanin ng Santo Papa bilang kahalili ni San Pedro
Apostol, at sa Mahal na Birheng Maria. Nakilala din siya bilang isang tanyag na
makata at taga-talumpati, at lalo’t higit bilang isang banal na tao.
Si San Efren ay isang Katolikong mula sa tradisyong
Syriac, kaya hindi siya Roman Catholic kundi Syriac Catholic o Syriac
Christian. Ang Syriac Church ay bahagi ng ating simbahan subalit iba ang mga
tradisyong nagpapahayag ng kanilang pananampalataya.
Si San Efren ang kaisa-isang Pantas ng simbahan mula
sa Syriac tradition. Sa kaniyang
pamayanan ng Syriac Church, ang natatanging bansag sa kanya ay: harpa ng
Espiritu Santo, dahil ang buong buhay niya ay tila isang maringal na awit para
sa Diyos.
Namatay si San Efren noong taong 373 sa gitna ng
kabanalan ng buhay.
B. HAMON SA
BUHAY
Ipagdasal natin sa Espiritu Santo na tayo din ay
mapuspos ng kanyang biyaya upang lalong lumakas ang ating pagiging saksi sa
buhay panalangin at sa buhay paglilingkod.
K. KATAGA NG
BUHAY
Col 3: 16
Ano man ang gawin ninyo, sa salita o sa gawa, gawin
ninyo ang lahat sa ngalan ng Panginoong Hesus at magpasalamat sa Diyos Ama sa
pamamagitan niya.