SAN LUIS GONZAGA, NAMANATA SA DIYOS
HUNYO 21
A. KUWENTO NG BUHAY
Isang napakabuting modelo para sa
mga kabataan ang santong si San Luis Gonzaga. Itinuturing siya na tila isang anghel sa lupa dahil sa kabanalan,
kadalisayan, at kalinisan ng kanyang puso at isipan.
Ipinanganak sa isang pamilya ng
mga prinsipe si Luis sa Castiglione, isang lugar sa rehiyon ng Lombardy sa
bansang Italy. Ang Italy ay may
halos 20 rehiyon. Malaking
impluwensya ng kanyang mga magulang sa kanyang paglago sa buhay
pananampalataya.
Ang ina ni San Luis ang siyang
nagturo sa kanya ng panalangin at tunay na pamimintuho sa Diyos. kaya nga bata pa siya at nagpakita na
siya ng pagkiling sa buhay relihyoso o pagiging isang taong namamanata sa
Diyos. sinasabing siyam na taon pa lamang siya ay namanata na siya na
mananatiling isang binata at walang asawa para maialay ang buhay sa
kaluwalhatian ng Diyos lamang.
Nais ng ama ni San Luis na siya
ay maging isang sundalo subalit hindi ito sumagi sa isip ng santo. Tumanggap siya ng kanyang First
Communion noong labing-dalawang taong gulang siya mula sa mga kamay ng isa pang
santo, si San Carlos Borromeo.
Naglingkod nang sandaling panahon
ang binatilyong si San Luis kasama ang kapatid na si Ridolfo sa palasyo ng Duke
ng Mantua at sa palasyo ng prinsipe ng Asturias sa Espanya. Subalit pagbalik sa Italy, lalong
lumakas ang pagnanasa niya na maging lingkod ng Diyos.
Labing-anim na taong gulang siya
nang magpasyang pumasok sa seminaryo ng mga Heswita. Anumang pamana na matatanggap niya sa kanyang mga magulang
ay isinalin niya sa pangalan ng kanyang kapatid na lalaki upang maging mas
malaya siya sa pagpasok sa buhay ng pamamanata sa Diyos.
Bilang isang seminarista ng mga
Heswita, namukod tangi siya sa kanyang mga sakripisyo at pasakit sa
sarili. Para sa mga nakapaligid sa
kanya, naging isang tunay na modelo siya ng kalinisan ng puso at pagiging
inosente sa mga bagay na makamundo.
Sa seminaryo ng Heswita sa Roma nanalagi si San Luis sa loob ng anim na
taon. Naging tagahubog niya ang
isa pang banal na Heswita, si San Roberto Bellarmino.
Tinanggap ni San Luis ang
tinatawag noon na “minor orders” sa Basilica ng San Juan Laterano. Patuloy
niyang inihanda ang sarili upang maging pari at maging isang misyonero sa
malalayong bansa. Pangarap din niyang mamatay bilang isang martir para kay
Hesus.
Subalit noong 1591, nagkaroon ng
isang peste sa Roma at masigasig na nag-alaga ng mga maysakit si San Luis. Katulad ng ibang mga Heswita, nahawa
siya ng sakit sa inaalagaan niya. Hindi na siya nakabawi upang tuluyang
gumaling. Sa halip, namatay nang hatinggabi ng Hunyo 20-21, 1591, si San
Luis.
Sa kanyang mga labi ay isa lamang
ang kanyang paulit-ulit na sinambit hanggang maputol ang kanyang hininga – ang
matamis na pangalan ni Hesus. Siya ay patron ng mga kabataan ngayon.
B. HAMON SA BUHAY
Napakaraming matututunan sa mga
kabataang maganda ang pangarap at mabuti ang pagsasabuhay ng kanilang mga
prinsipyo sa buhay. Tulungan natin
ang mga kabataan na laging maging malapit sa Diyos at mapagmahal sa kapwa-tao.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 22: 37-40
Sumagot si Hesus: Mahalin mo ang
Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo
mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa na
tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos
na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.