IKA-13 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B



HAPLOS



Naniniwala tayo sa “healing touch.” Hinawakan at hinaplos ni Hesus ang mga maysakit. Naglingkod siya sa pamamagitan ng mapagmahal na haplos sa maraming maysakit, inaalihan ng demonyo, at mahihirap na tao.  Narito ang Diyos na hindi nag-atubili na ilapit ang sarili sa kanyang kapwa.

Sa Mabuting Balita, nakatutuwang masdan ang isa pang “healing touch.” Ang babaeng maysakit ang humipo sa dulo ng damit ni Hesus. Sa tingin ko, healing touch din ito. Nang gawin ito ng babae, dumaloy ang kapangyarihan sa kanyang buhay mula sa tunay nitong pinagmumulan, ang Panginoon.

Sa isang banda, si Jairo na ama ng batang babaeng maysakit, ay humipo din sa Panginoon; hinipo niya ang puso ni Hesus. Nang lumapit siya upang humingi ng tulong, hinipo niya ang Panginoon bago pa man din haplusin ni Hesus ang bata at bigyan ito ng bagong buhay.

Tama, hinahaplos tayo ni Hesus. Subalit ang mabuting balita ay kaya din nating hipuin ang Panginoon. kapag lumalapit tayo sa kanya, nagdarasal sa kanya, nakikinig sa kanya, naninikluhod sa kanya, sumusunod sa kanya, hindi ba hinihipo natin ang Diyos? at ano ang nasa likod ng haplos na ito? Nandiyan ang pananampalataya, paninindigan, paniniwala, tiwala at tatag na nakasalig sa kanyang pag-ibig para sa atin.

Sa paghipo kay Hesus, sinasabi natin: Panginoon, nananalig ako sa Iyo!  Ikaw lamang ang makatutulong sa akin. Magagawa mo akong buo. Pakinggan mo po ako. Halina sa aking buhay!

Nakikita natin ang maraming Katoliko na pahipo-hipo at pahalik-halik sa mga imahen sa simbahan. Pero ang tunay na laman ng paghaplos na ito ay ang pananampalataya na naglalagay ng ating buhay sa kamay ng Diyos.

Ngayong linggo, huwag tayong matakot na hipuin muli ang Diyos. nais niya rin tayong haplusin. Iwaglit ang takot, hiya, pag-aalangan, at pagdududa. Buong pananampalatayang iabot ang iyong kamay kay Hesus at tanggapin ang kapangyarihang nagpapagaling, tulad ng naramdaman ng babaeng maysakit, at ang kapangyarihang nagbibigay-buhay tulad ng naranasan ng batang babae.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS