IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY, K
Akala natin ang kailangan natin
ay “mas marami.” Mas maraming pera. Mas maraming gamit. Mas maraming narating.
Akala natin sasaya tayo pag meron tayong mas marami.
Tapos nagugulat tayo na kapag
meron na tayo ng mga tunay na kailangan natin, yung mas marami ay hindi sanhi
ng kaligayahan. Minsan pa nga ito ang nagdudulot ng problema sa buhay.
Sa mundo ngayon, ang kailangan
talaga natin ay kapayapaan. Oo, sa Middle East, sa magugulong lugar, sa mga
banta ng terorismo. Pero higit pa diyan, sa ating puso, kapayapaan ng isip,
puso at damdamin.
Tanggapin natin ang totoo: mula
paggising hanggang pagtulog, hindi ba laging may umuukilkil sa isip natin,
bumabagabag sa puso natin na isang libo’t isang pangamba at alalahanin? Para sa
marami, ang laging kapiling natin ay takot. Takot dahil sa nakaraan na laging
nagpapaalala sa atin na tayo ay nagkamali at palpak. O takot para sa
kinabukasan, na hindi natin kayang kontrolin o labanan.
Ngayong Pagkabuhay, ang mensahe
ay ang hinihintay ng ating puso. Iniaalay ni Jesus ang kanyang kapayapaan. “Kapayapaan
ang iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo… Huwak
kayong mabagabag o matakot” (Jn 14: 27). Lagi nating naririnig ito sa Misa pero
walang oras para mapagnilayan. Alam ng Panginoong Hesus ang tambak na problema
at paghihirap natin, ang mga masakit na sugat at daing natin, ang kalungkutan
at luha natin, na araw-araw nating dala-dala. At ang regalo niya ngayong Pagkabuhay ay kapayapaan!
Paano makakamit ang kapayapaan?
Sabi ng Panginoon (v. 26) darating ang Espiritu Santo upang turuan tayo at
paalalahanan tayo. Tuturuan niya tayo ng hindi natin alam. Ipapaalala niya sa
atin ang ating nakalimutan na.
Ituturo niya at ipapaalala niya sa atin na “magtiwala” muli sa Diyos.
Darating ang kapayapaan kung
matututuhan nating magtiwala. Hindi madali ito sa marami kasi naranasan na
nating masira ang tiwala dahil sa gawa ng iba. Darating ang kapayapaan kung
maaalala nating magtiwala muli. Hindi madali ito ngayong kumplikado na ang
buhay, kumpara noong simple lang ang lahat; pero kailangan nating mabawi ang
dating tiwala natin sa Diyos.
Magkaroon nawa tayo ng kapayapaan
ngayon at palagian, na nagmumula hindi sa mga materyal na yaman o sa mga taong
kinakapitan, kundi mula sa pagtitiwala kay Hesus na nagmamahal. Ipagkatiwala mo
sa kapatawaran ng Diyos ang naganap na sa nakaraan. Ipagkatiwala mo sa
kabutihan ng Diyos ang mangyayari sa kinabukasan. Pero ngayon, magtiwala ka sa
Panginoon nang buong-buo mong buhay! Darating ang Espiritu Santo ng kapayapaan!