IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY, K
-->
BIHIRA ANG MABUTING
PASTOL
Minsan na lang tayo makakita ng
kalabaw, at sa malalayong probinsya pa. Sa youtube, isang video ang nagpakita
ng nakakalugod na relasyon ng magsasaka at ng kalabaw niya. Inaalagaan,
pinakakain, itinitira sa magandang kulungan ang kalabaw ng magsasaka. Ang
kalabaw naman, nagta-trabaho sa bukid, nagbibigay ng gatas, naghihila ng
kariton ng pamilya. Sa unang tingin, tila miyembro ng pamilya, “provider” ng
pamilya, matapat na kaibigan ng pamilya.
Iisipin mo tuloy pag matanda na
ang kalabaw, aalisin na ito sa pag-aararo sa bukid para magpahinga na lang sa
kuwadra niya. Pero hindi, noong matanda na ang kalabaw, dinala ito ng magsasaka
sa katayan at ipinagbili sa mga magka-karne para pagkakitaan pa ang huling
hibla ng buhay ng kanyang matapat na hayop.
Isang babala ang ibinibigay sa
atin tungkol sa mga pastol sa Bibliya. Hindi lahat sila ay mababait at banayad
na tao. Sanay sa trabaho ang mga iyan sa ilalim ng init ng araw kaya mga
brusko, pilyo at minsan ay pala-away at madaya sila sa kapwa. Ang mga pastol,
tulad ng magsasaka, tila hindi mawalay sa mga tupa, sa kawan. Pero tandaan natin na hindi “alaga” ang
turing nila sa mga tupa. Ang mga pastol ay negosyante na nagnanais pagkakitaan
ang kanilang mga hayop. Hindi sila
nag-pastol para bigyan tayo ng magandang at cute na picture ng mga mapagmahal
na tagapag-alaga ng tupa!
Kaya nga lutang talaga ang
Mabuting Pastol. Hindi inaasahan, pero nabubuo sa kanyang puso ang isang
malasakit sa mga tupa. Kung ang ibang pastol ay panay tubo o kita lamang ang
hanap, ang Mabuting Pastol naman ay baligtad ang pananaw. Hindi niya hanap ang
paglingkuran siya ng tupa. Siya ang nag-aalay ng buhay para sa kawan niya. Tila
hindi praktikal, ang hirap isipin!
Sabi ng Mabuting Balita ngayon (Jn 10: 27-30),
na ang Mabuting Pastol ay mapag-alaga sa kawan upang walang sinumang makakuha
sa kanila sa kamay ng pastol. Ito ang pananaw na tanging ang Mabuting Pastol
lamang, tanging si Hesus lamang, ang mayroon. At itong pananaw na ito ay
salamin ng puso ng Ama na sabi ni Hesus, ay ayaw ding hayaan na mawala sa
kanyang kamay ang mga tupa. Sa pagmamahal sa kawan, iisa ang Ama at ang kanyang
Anak na si Hesus!
Puwede din ba tayong maging mga
mabubuting pastol sa iba? Sa ating
pamilya, paaralan, opisina, pagawaan, parokya at kapitbahayan, kaya ba nating
magmahal tulad ng Panginoong Hesus at ng kanyang Ama? Ngayong panahon ng eleksyon, may mga kandidato kaya na tulad
ng Mabuting Pastol?