IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY, K
-->
PAGHIHIRAP NA NAMAN?
Habang kinakausap ng mga apostol
ang mga taong nananalig na sa Diyos (Gawa 14; 21-27) sinabi nila sa kanila na
maging matatag sa kanilang pagsunod sa Diyos sa kanilang buhay. Bilin nila: Daranas
muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos.”
Ano? Kapighatian na naman?
Paghihirap ulit? Hindi ba ang Pasko ng Pagkabuhay ay panahon na wala nang
kasalanan, pagdurusa at kamatayan? Hindi ba puwedeng time-out muna tayo sa mga
problema ng buhay?
Tama, Pagkabuhay na nga at ang
kaluwalhatian ng Panginoong Hesus ang sumisilaw sa anumang kadiliman at pait ng
buhay. Panahon ngayon ng liwanag, pagsasaya, tagumpay at kalayaan! Pero ang
totoo, mararanasan lamang nating ang Pagkabuhay ni Kristo kung haharapin natin,
hindi iiwasan, ang mga pagsubok sa ating buhay.
Ang Pagkabuhay ay karanasan ng
tagumpay ni Hesus, pero hindi ito karanasan ng ilusyon o hayahay na buhay! Kaya
nga, pagkatapos nating magsimba noong Easter, hindi ba, pagbalik sa bahay,
tambak pa rin ang babayarang utang, nandun pa rin ang kasama nating maysakit o
may bisyo o may masamang ugali, nasa opisina pa rin ang mga asungot na
katrabaho, ang kung tapat tayo sa sarili, mismong tayo rin ay marami pang
pagbabago na dapat mangyari sa ating isip, kilos at situwasyon. Pagkatapos ng Pagkabuhay ng Panginoon,
tuloy-tuloy pa rin ang mga dapat harapin sa buhay natin.
Kahit ngayong Easter, paalala sa
atin ng mga pagbasa na kapiling pa rin natin ang mga pagdurusa dahil maraming
dahilang kung bakit patuloy silang nandito. Hindi natutulog ang demonyo para
ilayo tayo sa Diyos. Kailangan nating maging dalisay (purification) sa pamamagitan
ng ating mga karanasan. Dala-dala natin ang mga paghihirap ng buhay bilang
pakikiisa sa mga sinapit ni Hesus para sa atin (Col 1:24).
Matatapos lahat ito kapag
dumating na ang bagong langit at bagong lupa (Rev. 21:1). Pero maghihintay pa
iyan kapag natupad na ang mga pangako ng Diyos. Samantala, ang tagumpay ni
Hesus ay hindi pagtakas sa obligasyon natin sa buhay. Hindi tayo excused,
kumbaga, pero mas higit pa sa excused and ibinibigay niya: kapangyarihang
magmahal (Jn 13: 34). Sa tulong ng pagmamahal ni Hesus sa ating puso, kaya
nating sagasaan at talunin ang anumang problema at dusa natin.
Panginoong Hesus, tulungan mo
naman akong makita na ang aking pagkabuhay na muli mula sa aking mga problema
at hamon ay hindi darating sa tulong ng ilusyon o magic, kundi sa tulong ng
pag-ibig. Akayin mo po ako upang maranasan at ibahagi ang pagmamahal na ito
upang maranasan ko ang tunay na tagumpay mo.