IKA-24 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
DAANIN SA NGITI!
Ang dami nang nasabi
tungkol sa talinghaga ng nawawala – tupa, kusing o anak man. Oo, tungkol ito sa
pagsisisi, pagbabalik-loob at awa ng Diyos. Pero tungkol din ito sa isang bagay
na nasa pundasyon ng tatlong nabanggit. Bakit nga ba magsisisi? Bakit babalik
sa yakap ng Ama? Bakit mahabagin ang puso niya?
Kasi, dahil ito sa
kagalakan! Ang Mabuting Balita (Lk 15) ang nag-aanyaya sa atin na tingnan muli
ang Diyos at pagmasdan ang mukhang hindi natin inaasahan – ang mukha ng
nakangiti, masayahing Diyos. Magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit… dahil
lagi naman talagang may kagalakan sa langit! Dahil ang langit ay karanasan ng kagalakan na magmumula
lamang sa pakikipagtagpo sa Diyos.
Pansinin ang simula ng
Mabuting Balita. Ang mga eskriba at Pariseo ay lumapit kay Hesus upang
mag-reklamo, mag-himutok, magngitngit sa galit dahil laging kasama ni Hesus ang
mga makasalanan. Maraming tao ang akala ay dapat lagi silang seryoso. Pero
hindi naman gusto ng Diyos na maging seryoso ang mukha ng tao. Gusto niya ay
maging seryoso ang isip ng tao.
Bilang tugon sa
kanila, binuo ng Panginoon ang isang tunay na larawan ng Diyos na dapat nating
makita. Ang Diyos na nakangiti, nakatawa, nagagalak na Diyos! Ang mga dukha,
makasalanan, naliligaw, alibugha at lahat ng mga taong nawawala sa landas ay
nagsisimulang bumalik sa landas ng Diyos dahil naaakit sila sa kagalakan na
Diyos lamang ang nagdadala sa ating buhay.
Bilang Kristiyano,
kumikilos ba tayo tulad ng ating “alibughang” Ama? Madali ba tayong nagbabahagi
ng ngiti sa bahay, sa trabaho, sa pamayanan? Madali ba tayong tumawa sa ating
sarili at sa ating mga pagkakamali, at hindi masyadong seryoso sa ating buhay? Puno
ba ng kagalakan ang ating puso at kaluluwa?
Pero tandaan din
natin, ang kagalakang inilalarawan ng Panginoong Hesus ay hindi tungkol sa
emosyon. Ito ay isang desisyon. Maraming bagay na magiging sanhi ng kalungkutan
at pagkabagabag. Pero kung taglay ang pananampalataya, sisikapin nating bumalik sa Diyos
na masayahin, unti-unting dadaloy sa tama ang lahat ng bagay. Magkakaroon ng
konsolasyon sa kalooban at makapangyarihang kapanatagan na kaya nating
malampasan ang lahat ng pagsubok dahil kay Kristo. Mangyayari pa ang mga himala
dahil hindi tayo nagugupo ng mga pagsubok kundi tayo ang lulupig sa ating mga
takot at luha sa kapangyarihan ng ating ngiti, halakhak at kagalakang mula sa
Diyos!