IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
ANG LAKAS NG MALIIT
Kailangang tanggapin natin na
madalas, natutuklasan nating maliit ang ating pananampalataya. Kung kailan
akala natin matibay tayo, saka naman yayanigin tayo ng problema, o paghihirap
na talagang humahamon sa pinaka-ugat ng buhay. Ang mga pagsubok ay laging tila
palakol na humahampas sa pananampalataya ng isang Kristiyano.
Ito siguro ang dahilang kung
bakit sa Mabuting Balita (Lk 17:5ff) ang kahilingan ng mga alagad ay:
Panginoon, dagdagan mo po ang aming pananampalataya. At kung bakit ito rin ang
umaalingawngaw sa labi ng napakarami sa atin araw-araw: Panginoon, dagdagan mo
po ang aming pananampalataya dahil dumadaan kami sa hirap ng relasyon,
karamdaman, pag-aalala, pagkalito, kawalan ng kasiguraduhan sa bukas.
Panginoon, dagdagan mo po ang aking pananampalataya.
At Diyos lang naman talaga ang
makakapagdagdag sa ating pananampalataya. Pero binibigyan din tayo ng
pagkakataon na makiisa sa pagpapalago ng ating pananampalataya. Hindi sumagot
ang Panginoon na: Ok, dadagdagan ko yan! At bigla na lang lalago ito parang
magic. Sa halip, ang sabi ng Panginoon, kahit maliit ang pananampalataya, kaya
mo makagawa ng himala. Ano ito? Ibig sabihin, ang paraan ng pagpapalago ng
pananampalataya, bukod sa dasal, ay ang paglalagay nito sa kilos!
Maniwala! Magtiwala! Ariin mo ang
iyong himala at magiging totoo ito! Kung ang gagawin lang natin ay magdasal at
humiling, pero hindi naman pakikilusin ang pananampalataya, hindi ito lalaki.
May ipinagdarasal ka ba? May nais ka bang gawin ang Diyos para sa iyo? May nais
ba ang iyong puso sa gitna ng iyong mga pagsubok?
Gamit ang iyong maliit na
pananampalataya, sabihin mo sa balakid, sa sakit, sa kaaway, sa problema –
lumayo ka dito at matanim ka sa ibang lugar! At magaganap ito – iyan ang
pangako ng Panginoon