DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI K
-->
IKAW ANG AKING HARI
Nasa huling linggo na tayo ng
kalendaryo ng simbahan, ng taong liturhikal, at dinadala tayo ng mabuting
balita sa paanan ng krus (Lk 23). Ang pagdiriwang ngayon ay nakatuon sa
Paghahari ni Kristo, at ipinaaalala sa atin ang tagpo ng kanyang kamatayan sa
Krus. Bakit po ganito?
Habang nakapako sa krus si Hesus,
naitala ang reaksyon ng mga tao sa paligid niya. “Tinuya” siya ng mga pinuno ng
bayan dahil sa kanilang galit at poot. “Nilibak” siya ng mga sundalo na walang
pakialam sa kanyang nararamdaman. At “inalipusta” siya ng isang nakapakong
kriminal dahil sa pagkamakasarili nito. Wala sinuman sa kanila ang kumilala sa
kanyang paglalahad ng sarili. Tinanggihan nila ang kanyang pagkatao, buhay at
misyon. Para sa kanila, si Kristong nakapako ay hindi maaaring maging hari
nila.
Ang Kaharian ng Diyos, ang Paghahari
ni Kristo, ay hindi isang pagpapataw ng kapangyarihan at kontrol mula sa itaas.
Sa Bibliya, ang Kaharian ng Diyos ay pagtatagpo ng dalawang kilos: isang
bumababa, at isang umaakyat. Bumababa ang Diyos upang tagpuin ang mga tao, dala
ang alay na pag-ibig, pagpapatawad at kaligtasan sa kanyang Anak na si Hesus. Pero kailangang umakyat naman ang tao
upang salubungin at tanggapin ang biyaya ng Diyos na may pusong bukas at laang
maglakbay sa ilalim ng grasya.
Kaya ang Paghahari ni Hesus ay
tunay na matingkad sa buhay ng isa pang nakapakong kriminal na sumaway sa unang
kriminal na nang-insulto sa Panginoon. Nakita niya kay Hesus ang mukha ng
pag-ibig na dalisay at ang tapat na alok ng biyaya ng Ama. Nakita niya kay
Hesus ang Diyos na bumaba sa lebel ng kasalanan at paghihirap ng tao upang
sagipin tayo sa kamatayan. Nagpasiya ang kriminal na ito na salubungin ang
Panginoon, at buksan ang kanyang puso sa pagsisisi at pagpapatawad at sa
pangako ng kalangitan. Sa wakas,
nakilala niya ang tunay na Hari, ang kanyang Hari.
Hindi ba natin makita si Hesus sa
ating buhay dahil sa ating galit, pagiging walang pakialam, at pagka-makasarili?
Tularan natin ang “mabuting magnanakaw” na buong kababaang-loob na itinakwil
ang nakaraan niyang buhay upang yakapin ang kabutihan ng Haring dumarating
upang iligtas siya at mahalin.