UNANG LINGGO NG ADBIYENTO, A
PANAHON NG PAGBABAGO
“Darating na ang
pagbabago.” Iyan ang pangakong pinanghawakan ng marami noong nakaraang
eleksyon. Gusto natin ng pagbabago kaya marami ang naloko. Ano ba ang nagbago?
Wala nang traffic sa Edsa? Hindi na nasisira ang MRT? Wala nang patayan at
krimen? Ang mabilis magbago ngayon ay ang kahulugan ng mga salita: Ito ang sabi
ko… a, hindi pala ganun… e, hindi iyon ang ibig kong sabihin.
May pangarap na pagbabago ang Diyos para sa kanyang bayan. Habang nag-aanyaya
siyang lumapit sa kanya (Is 2: 1-5) nangangako siyang tuturuan niya tayo ng
wasto. Ang Salita niya ay malinaw at tapat, tunay na gabay sa pamumuhay na
ganap. Pag natuto sa Salita ng Diyos, darating ang pagbabago. Nanaisin ng mga
tao ang kapayapaan higit sa digmaan, ang liwanag higit sa kadiliman. Ang
pagbabago ay darating, una, sa tulong ng Diyos.
Si San Pablo (Rom 13: 11-14) rin ay may pahayag na pagbabago. Darating
ang kaligtasan ng Diyos para sa kanyang mga minamahal. Ang pagkakatulog ay
magbibigay-daan sa pagkagising. Ang liwanag ang hahalili sa kadiliman. Ang
masamang kilos ay mapapalitan ng kabutihan. Subalit bago ang lahat ng ito,
kailangang magbago ang puso, ang kalooban ng tao, para tunay niyang mayakap ang
kaloob ng Diyos. Dapat munang “isuot ng bawat isa ang Panginoong Hesukristo.”
Ang pagbabago ay darating kung bubuksan natin ang ating sarili para dito.
Ngayong Adbiyento, muli tayong naghahanda sa pagdating ng Panginoon.
Hindi natin maiwawaksi ang pananabik para sa Paskong darating, dahil nasa
palibot natin ang mga paalala nito. Pero hingin muna natin na maging “gising”
at maging handa, upang ang pakikipagtagpo natin sa Panginoon ay tunay na maging
mabunga at magbigay ng tunay na pagbabago. Anyayahan natin ang Diyos na pukawin
tayong magbago. Pero unti-unti buksan din natin ang ating sarili sa anumang
mabuting pagbabago.