IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
PAGTUUNAN NG PANSIN
ANG “GITNA”
Masaya kapag nararating natin ang
dulo. Maging dulo ng telenovela, o ng isang aklat, o paglalakbay o ng problema.
Pag nasa dulo na, masaya na tayo.
May isang dulo na nakakatakot
para sa atin, ang dulo ng kasaysayan, ang wakas ng daigdig. Ang dami pa namang
mga propeta nagpapanggap na alam ang wakas ng mundo. Sa Mabuting Balita,
makikita nating ang karaniwang patunay nila sa wakas na mundo ay hindi akma sa
turo ng Panginoong Hesukristo.
Dadagsa daw ang mga mangangaral
sa ngalan ng Panginoon. Pero hindi ito ang wakas. Magkakaroon ng maraming
giyera at hidwaan. Pero hindi rin ito ang dulo ng lahat. Kabi-kabila ang sakuna
at kalamidad. Pero muli, hindi pa ito ang katapusan. Daranas ng hirap ang
maraming tao, kasama na ang mga Kristiyano, pero hindi nagbigay ng payo ang
Panginoon ukol sa wakas ng buhay kundi tungkol sa pagsusumikap at katapatan sa
harap ng pagsubok.
Sa panahon ni San Pablo ang
daming mga tao na wala nang ginawa kundi mag-usap tungkol sa katapusan ng
mundo. At hindi na sila nagtrabaho dahil dito. Kaya si San Pablo ay nag-anyaya
sa mga tao na tahimik at matiyagang magtrabaho at gumawa upang maging
kapaki-pakinabang ang buhay. Ang Diyos lang ang nakakaalam ng wakas ng lahat.
Ang gawain natin ay gawing mayabong ang kasalukuyan nating buhay.
Takot ka rin ba sa katapusan ng
mundo? O katapusan ng buhay mo? O sa wakas ng mga pangarap mo? Sabi ng mga
pagbasa ngayon, huwag matakot at huwag mag-alala sa mga bagay na ito. Ang kailangan
ay tiwala sa Panginoon at tulad ni San Pablo, maging tapat at tahimik na
manggagawa para sa Kaharian ng Diyos.
Isinagawa ng Panginoon ang simula
ng Kaharian. Nasa kamay ng Diyos ang wakas na hindi natin alam. Ang hawak natin
ay hindi ang simula o wakas, kundi ang “gitna”, ang ngayon, ang kasalukuyan ng
ating buhay.