IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
Kay gandang basahin ang salaysay
mula sa 1 Sam 3. Sa katahimikan, sa kadiliman ng gabi, nagsalita ang Diyos sa
musmos na si Samuel na tinawag niya upang maging propeta. Subalit sa simula,
naguluhan ang bata at akala ang punong paring si Eli ang tumatawag. Nalito din
si Eli at hindi naintindihan ang kaganapan. Maaaring nananaginip na naman ang
batang si Samuel.
Mahalagang maunawaan na sa panahong
ito sinabing “bihira na” marinig ang tinig ng Diyos at ang mga pangitain mula
sa kanya. Ibig sabihin hindi na naririnig ng mga tao ang salita ng Diyos, hindi
dahil tumigil siyang magsalita kundi dahil nagkulang ang mga tao sa pakikinig.
Si Eli ang kinatawan ng mga tao; matanda na siya at malabo ang mata at hirap
nang makakita. Hindi pa siya bulag pero hindi na maaninaw ang mga tanda ng
presensya ng Diyos. Mabagal na siya at pagod, wala nang pananabik na makatagpo
ang Panginoon.
Kaya bumaling ang Panginoon kay
Samuel, na wala pang anumang karanasan sa Diyos. Maaaring matanda at pagod na
si Eli, pero sa kanyang puso, may bahagi pa ring sensitibo sa mabathalang
kilos. Naunawaan niyang ang Diyos mismo ang nagsasalita sa bata. Maaaring hindi
na aktibo ang pananampalataya ng mga tao, pero ang Diyos ay aktibo at buhay pa
rin! Ayon sa kuwento, “may sindi pa ang ilawan ng Diyos” sa santuwaryo ng
templo, ibig sabihin, nakikipaglabang ang Diyos na manatiling nakikita,
nadarama at malapit sa puso ng mga tao.
Minsan sa ating buhay,
nararanasan nating tigang ang ating buhay espirituwal at tila malayo o wala na
ang Diyos; na nakalimutan o iniwan na niya tayo; na binalewala o hindi na tayo
pinansin. Pero ito ba talaga ang naganap? Hindi kaya ang mga mata natin ang
nagdilim, ang tenga natin ang humina, ang pandama natin ang nawalan ng lakas?
Baka naging tulad tayo ng matanda at pagod na si Eli kaysa ng bata at masiglang
si Samuel na laging handang makinig sa tawag ng Panginoon?
Sa buhay mo ngayon, ano kaya ang
nais ng Diyos iparating sa iyo? Nakikinig ka ba? Handa ka bang tumalima at
sumunod? O mas abala kang makinig sa ingay ng mundo, sumunod sa paanyaya ng
layaw, o umiwas sa pakikipagtagpo sa Diyos at sa iyong sarili?
Ang Diyos ay pagkukusa,
paghahandog, pag-abot, pagmamahal. Tayo naman dapat ay maging pagsalubong,
pagtanggap, at pasasalamat. Tulad ni Samuel, wikain nawa natin: Magsalita ka
Panginoon, nakikinig ang iyong lingkod.