KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO B

HINDI ANG IYONG INAASAHAN





Nitong nakalipas na Kapaskuhan, magiliw nating tinitigan ang Sanggol na si Hesus. Nakakataba ng pusong pagmasdan ang munting bata sa ating Belen, alaala ng madilim at malamig na yungib sa Betlehem. Natutulog ang sanggol na mapayapa, kuntento, buong tiwala at matimyas sa mapangalagang presensya ni Maria at Jose. Ngayon sa Pilipinas, bago tayo umusad sa karaniwang panahon, sinusulyapan naman natin ang Batang Hesus, hindi na sanggol dahil mas malaki na, isang imahen na napamahal sa ating mga puso bilang mga Pilipino.



Umaapaw sa damdamin ang ating debosyon. Wala yatang altar sa bahay ng Pinoy na walang imahen o larawan ng Santo Nino. Ang Santo Nino ay bahagi ng pamilya, kapiling sa tirahan, kaugnay ng ating angkan. Subalit maraming beses, ang debosyon sa Santo Nino ay nagpapalambot ng ating pagtingin sa Diyos. Itinuturing natin siyang maliit na bata sa buong taon. Kinakausap siyang tila musmos, ipinipiit siya sa kanyang makulay na damit at palamuti at mga alay nating kendi at prutas. Pinipigilan natin siyang lumaki, lumago at maging Diyos na dapat niyang maging hantungan.



Subalit ang Batang Hesus ay hindi sagisag ng isang Diyos na walang peligro at walang hamon. Kahit bata pa, si Hesus ay nagsimula na ng gulo! Ang buhay ni Maria bilang ina ay nagulo sa mga kilos ng kanyang Anak. Ang mga unang salita ni Maria kay Hesus (matapos ang pagkawala at pagkatagpo sa Templo) ay may hugot na pagdaramdam: Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? (Ilang magulang ang nagtatanong din nito sa kanilang mga anak ngayon?) At ang unang mga kataga naman ni Hesus sa kanyang Ina ay tila walang damdamin, walang pakialam at walang pakundangan: Bakit ninyo ako hinahanap? Hind ba ninyo alam na dapat akong nasa tahanan ng aking Ama? (Araykupo! Pagtatakwil ba iyan o hindi?)





Ang tagpong ito ay hindi nagsasaad na ang Panginoon ay naging pasaway na anak at na siya ay walang puso para sa kanyang mga magulang sa lupang ito. Sa halip, ito ay hudyat na si Hesus ay lumalaki na, mas mabilis sa inaasahan natin, at na handa na siyang baligtari ang mundong ito. Hindi lamang pumasok si Hesus sa sinapupunan ni Maria o sa tahanan sa Nasaret. Pumapasok din siya ngayon sa kasaysayan ng daigdig at pinagbabago ito sa pamamagitan ng pag-ibig at paghamon.



Hindi sinalungat ni Maria at Jose si Hesus. Tinanggap nila at iginalang ang kanyang mga salita at kilos. Ang Batang ito ay nakatakdang magpalawak ng kanyang pamilyang espirituwal, manligalig sa mga lider relihyoso at pulitikal, magsulong ng pakikipagkaibigan sa mga dukha, nakalimutan, at itinaboy ng lipunan at mamatay sa krus para sa kaligtasan ng mundo. Ang malitt na daigdig ni Maria at Jose ay mawawasak na.



Sa harap ng ating Santo Nino, ang Batang Hesus, hilingin nating paputukin niya ang bula ng ating maliit na daigdig, pabagsakin ang pader ng ating pagkakakulong, at akayin tayo sa malawak na pastulang nais ng Ama na marating natin kasama ni Hesus.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS