IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MAGKAISA SA TRAHEDYA,
MAGKA-UGNAY SA GLORIA
Kauuwi lang ng isang lalaki
matapos ang operasyon sa ospital. Heto at aligaga si misis sa pag-aaturga ng
lahat niyang kailangan – pagkain, damit, pagkilos at kalinisan. Higit sa lahat,
nagdarasal si misis ng Rosaryo sa tabi niya at binabasahan siya ng Mabuting
Balita. Sa gabi, ang mga salita ng Salmo na binabasa ni misis ang nagpapatulog
sa lalaki. Nagsimula ang lalaki na magpahayag ng pasasalamat sa kanyang asawa
at ng pagsisisi sa kanyang dating ugali sa asawa at mga anak nila. Nang malakas
pa siya, hindi kilala ang lalaking ito sa sipag, pananagutan at katapatan sa
kanyang pamilya. Subalit ang asawa niya ang siyang matatag na kumapit sa Diyos
at laging nagsumamo na bigyan ng pagkakataon ang lalaki na makilala ang kapangyarihan
at awa ng Diyos at na ito ay magbalik-loob sa pamilya. Kahit pa isang
karamdaman ang naging daan para dito, nakita ni misis ang lahat bilang pagsubok
at kaloob ng Diyos.
“Silang dalawa ay magiging iisa.” Ano ba ang kahulugan
nito? Sa panahong ito ng social media, tila nasa taluktok din ng romansa. Makapigil-hiningang
mga proposal, hindi makakalimutang videos ng engagement at paghahanda sa kasal,
kahanga-hangang dream wedding sa beach o sa katedral, at mga nakasasabik na party
sa paghahayag ng sex ng magiging panganay na anak – nasa koleksyon iyan ng
mag-asawa at laang ibahagi sa FB o youtube para hangaan at gayahin ng iba. Subalit
alam ng lahat na walang kasal na gawa sa langit. Dito sa mabato, mayugyog, at
matinik na kalsada ng buhay dapat magkalaman ang mga pangakong binitiwan ng
mag-asawa sa araw ng kanilang kasal.
Oo nga’t nagsasalo ang mag-asawa
sa lahat ng kanilang biyaya – ang saya, pananabik, tagumpay at kasaganaan ng
buhay – at madali namang gawin ito. Pero marami pang bagay, mas seryosong bagay
na dapat nilang kapwa harapin – ang pagkakaiba ng ugali at selosan, ang mga
gastusin at utang, ang kahinaan ng bawat isa at karamdaman, ang mga tukso at
balakid, at iba pa. Higit anupaman, ang mga paghamon na ito ang siyang susuri
sa pagiging-isa ng lalaki at babaeng nagmamahalan. Kung kailan higit ang kabigatan
ng buhay, doon din makikita kung tunay ang pasensya, unawaan, pagpapatawad,
pagtanggap at paglilingkod nila. Kung matagumpay nilang malalampasan ang mga
pagsubok, ang dalawa ay talaga ngang nagiging iisa. Bilang isa, magkaugnay, haharapin
nila ang mundo, ang kanilang mga kaaway, ang mga suliranin at higit sa lahat, ang
Diyos na nag-ugnay sa kanila.
“Tila di ko na makakayanan ito,” tanggap kong
text message mula sa isang kaibigan. Ang misis niya kasi ay walang tigil na sa
kemoterapi at ang paghihirap nito ang dumudurog sa puso ng aking kaibigan. Alam
niyang hindi sapat ang kaniyang pagmamahal para gumaling ang asawa. Sa kabila
nito, naroon pa rin siya sa tabi ng asawa at kasama ng kanilang mga anak,
patuloy na nagdudulot ng pananampalataya, pag-ganyak at lakas sa kanyang
minamahal na asawa.
Ipanalangin natin ang mga
mag-asawang sumusuong ngayon sa matinding pakikibaka, upang lalong magningas ang
kanilang tiwala sa Diyos at ang pagmamahal nila sa isa’t-isa. Ang pinagsama ng
Diyos ay huwag nawang paghiwalayin ng anu o sino pa man.
-->