IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
PANGANAY… PABORITO?
Sa Lumang Tipan si Efraim ay may
dahilan upang magbunyi. Pangalawang anak siya ni Jose (dating alipin at
bilanggo na naging gobernador ng Ehipto), at nagulat siyang pinili ng kanyang
naghihingalong lolo na si Jacob na sa kanya igawad ang bendisyon sa halip na sa
kanyang kuyang si Manasseh. Tila “replay” ito ng buhay mismo ni Jacob. Sa kanya
din inilapat ng kanyang amang si Isaac ang pagpapala sa halip na sa kanyang
kuyang si Esau.
Bakit si Efraim ang napili? Sinasabing
siya ay mabuti at hindi makasarili. Higit pa dito, ang pagpili kay Efraim ni
Jacob, tulad ng pagpili kay Jacob ni Isaac, ay bahagi ng mahiwagang kilos ng
Diyos. Kumikilos ang Diyos na nakabibigla, nagtututok ng liwanag sa taong hindi
inaasahan, sa taong nasa ilalim, sa taong minamaliit ng iba. Dahil dito, hindi
madaling maunawaan ng katuwiran ang kilos ng puso ng Diyos. Pero ganito kung
magtrabaho ang Panginoon alang-alang sa mga bale-wala ng mundong ito.
Lalong matingkad ito sa
Ebanghelyo natin ngayon. Si Bartimeo na yata ang pinaka-kawawang patapon. Bulag
kaya nakabukod sa karamihan. Pulubi kaya walang ginhawang nakakamtan. Pati ang nais
niyang magsalita ay ipinagbawal ng nakapalibot sa kanya. Subalit likas na batid
niya ang maaasahang pangako, ang bukas-palad na kilos, at ang mahabaging puso
ng Diyos. Nagbakasakali siyang kunin ang pansin ng Panginoon, na siya naman
palang hinihintay lamang ni Hesus noong araw na iyon. At alam na natin kung ano
ang himalang naganap.
Sa mundo ngayon, ang mga gawain ng
kapwa tao ay halos magdulot sa atin ng kasiphayuan. Mas nagiging mahirap ang mga
dukha. Mas naaalipusta ang mga api na. Mas kinakalimutan ang mga maliliit at
mahihina. Ang gobyernong nangako ng pagkakapantay ay pumapabor sa mga mayayaman
at makapangyarihan. Ang simbahang nangangaral ng habag ay nagtataboy at
nagpapatahimik sa mga tao. Ang pamilyang dapat puspos ng pag-ibig ay nagiging
pugad ng pagkakahati, pagtanggi at pagpapabor sa iba. Saan at kanino pa tayo
tutungo upang makasumpong ng pag-asa?
Lalapit tayo sa Diyos na siyang
may pagnanais na gawing panganay ang bunso, na gawing paborito ang itinaboy, na
gawing malaya, masaya at matiwasay na ang pulubing bulag – bago pa man ang himala
ng pagpapagaling sa kanya! Maniwala tayo sa sinasabi ng Salita ng Diyos na
binabaligtad ng Panginoon ang nakasanayang ayos ng mga tao at mga lipunan. Magsalita
tayong walang takot sa gitna ng ating kadiliman, kahinaan at karupukan. Magsimula
tayong maganyak ng naganap na mabuting kapalaran kay Efraim at ng himalang
nangyari kay Bartimeo!
Sa situwasyon mo ngayon, dama mo
bang gusto mo nang sumigaw: “Panginoon, maawa ka naman sa akin!”? Habang
nagdarasal ka, sige gawin mo iyan. Titigil si Hesus at pakikinggan ka. Tatanggapin
mo ang iyong himala.