IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
SERYOSONG
MAKIPAGSAPALARAN
Si Peter na isang batang Katoliko
ay lubos na humanga sa mga santong nag-akay ng mga tao papuntang langit. Kinaibigan
niya ang mas batang si Danny at kinumbinsi ito na sa ilalim ng kanyang
paggabay, ihahanda si Danny na tumanggap ng First Communion para ito makapasok
sa langit. Lumunsad sa pakikipagsapalaran ang dalawa, isang adventure na
idinaan nila sa sports. Hindi lubos na naunawaan ni Peter na iba ang relihyon
ni Danny (Hudyo) at na bilang na ang mga araw ni Danny na may kanser. Ang mahalaga
para sa magkaibigan ay gawin lahat upang makamit ang pangarap nilang langit.
(mula sa aking paboritong pelikula, “Stolen Summer”)
Mas seryoso pa yata ang dalawang
batang ito kaysa lalaking lumapit sa Panginoon sa mabuting balita ngayon. Sa simula
tila masigasig para sa Kaharian, nagtanong siya kung paano makararating sa
langit. Inilahad ng Panginoon ang mga Utos ng Diyos at nakita niyang madali
itong gawin. Pero nang nag-level up na si Hesus at humingi ng buong pagsuko ng
lahat ng ari-arian, ang lalaki ay malungkot na umalis na.
Paalala sa atin ngayon ng
Panginoon na ang pagpasok sa Kaharian ay nangangailangan ng nagniningas na
pag-asam sa Diyos at ng ganap na pagtalikod sa mga kinagigiliwan ng puso sa
mundong ito. Natural, kasama dito ang pagtupad ng mga utos. Subalit higit pa,
dapat ang kahandaang iwanan ang lahat at manatili lamang ang Diyos sa ating
puso. Dito nagsisimula ang problema. Maraming regulasyon ang bawat relihyon. Madaling
basta sumunod lang upang makapasa sa panghuhusga ng mga taong ang pakay lamang
masdan ay ang mga pang-ibabaw na kilos at gawain.
Para kay Hesus, ang pananampalataya,
higit pa sa pagtupad ng mga utos, ay tungkol sa lubos na pagtitiwala, buong
pagsuko, at ganap na pagpapaubaya sa kamay ng Amang mapagmahal. Hindi tayo
sanay sa ganito. Hindi madali ito. Para sa iba sa atin, mangangahulugan itong
kumapit sa pananampalataya sa gitna ng pagkasuklam at pagtuligsa. O patuloy na
maniwala sa gitna ng alinlangan at krisis. O pagtitiwala sa patnubay at
pangangalaga ng Diyos sa panahon ng paghihirap, malubhang karamdaman at
malaking pagkawala. O ang paghahagilap sa kadiliman ng kawalang-alam, hindi
tantiya ang iniaalay ng kinabukasan.
Panginoon, pinahahalagahan ko ang
mga bagay na tunay na kinagigiliwan ng aking puso kahit na pinababagal nito ang
mga yapak ko sa pagsunod sa iyo. Bigyang lakas mo po ako na makawala sa mga
hadlang sa tunay na pagtitiwala sa iyo. Biyayaan mo po akong makasunod sa iyong
mga utos at higit sa lahat, makapag-alay sa iyo ng lahat ng aking pag-aari at
ng aking buong pagkatao. Amen.