IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
NASA PINTUAN NA SIYA
Magkakaiba ang reaksyon natin sa
mga tao sa ating trangkahan (gate) o pintuan. Kakaiba at kakatuwa ang mga
sanggol – kapag may tao sa gate, biglang lundag, masayang tili, at kilig na
kilig silang kumakaway. Habang lumalaki ang tao, nawawala ang ganitong ugali
kahit pa ang nasa labas ay kapamilya o kaibigan. At lalo naman kung ang nasa
gate o pintuan ay kolektor ng tubig, kuryente at utang – maingat at takot na
takot na tayo!
Ang mga pagbasa sa huling Linggo
ng karaniwang panahon ay nagdadala sa atin sa tagpo ng katapusan ng mundo,
paghuhukom at pagbabalik ng Panginoon na tagumpay sa langit at manlulupig sa
daigdig. Ano ba ang nararamdaman natin kung nababasa natin ang mga salitang ito
ukol sa Muling Pagbabalik o Huling Paghuhukom ng Panginoon?
Sa gitna ng mga nakatatakot na
salita, ibinibigay ng ebanghelyo ang simpleng katotohanan tungkol sa
propesiyang ito: Narito na siya, nasa pintuan na! Ang katapusan ay hindi tungkol sa pagkawasak
ng mundo, paghuhukom, pag-kondena sa mga tao. Higit sa lahat ng bagay, ito ay
tungkol sa Panginoong Hesus na lumalapit sa gate o pintuan, hindi ng ating
bahay kundi ng ating puso.
Kaya nga, ang mahalagang tanong
ay kung tayo nga ba ay handang sumalubong, tumanggap at magpaunlak sa kanya sa
ating buhay. Kung ang pananampalataya natin ay tulad ng sa sanggol, ang pagdating
ng Panginoon ay sanhi ng malaking kagalakan dahil narito na nga ang ating
minamahal. Subalit kung ang ating pananalig, na madalas ay marupok, ay tulad ng
mga matatanda o malalaking tao na, kahit ang presensya ng Panginoon sa pintuan
ay nagdudulot ng pagka-asar, pagka-abala, at panghihimasok sa ating mga gawain.
Kahit na sa mabuting balita
ngayon ang pagdating ng Panginoon ay itinakda sa dulo ng kasaysayan, hindi ba’t
ang Panginoon ay tunay na dumadalaw sa atin bawat araw, bawat sandali ng ating
buhay? Kaya nga, kung maayos tayong namumuhay, sinasalubong natin ang Panginoon
na may galak at lakas-loob sa pinaka-karaniwang mga pangyayari na para bang ito
ang pinaka-kapanapanabik na sandali ng ating buhay. Subalit kung sarado ang puso
sa Panginoon, ang kanyang pananatili sa pintuan o gate ay hindi kailanman
mapapansin, makikilala, o mapapahalagahan kahit na nababalot tayo ng biyaya at
mga kaloob niya sa araw-araw.
Narito na Siya, nasa pintuan na:
pagnilayan natin kung paano tayo tumutugon sa katotohanang ito ng
pananampalataya.