UNANG LINGGO NG ADBIYENTO K



PEKENG BALITA = SIPHAYO; 
MABUTING BALITA = PAG-ASA






Tuloy po sa mundo ng pekeng balita (fake news)! Habang umuusad tayo sa teknolohiya at kagamitan para sa komunikasyon, kay dami namang bagay sa paligid ngayon na nagdadala ng kasinungalingan, panlilinlang, at kathang-isip; sa madaling salit, pekeng balita! Kay daming pulitiko ang nakaupo ngayon dahill sa fake news; kumikita ang mga troll nila sa tulong ng fake news; ang mga tanga naman ay nabubusog sa kalululon ng fake news!



Isang bagay lang ang nais gawin ng fake news at iyan ay ang maghasik ng pagkasiphayo at pagkabigo. Ikalat ang kasinungalingan upang paglaruan ang damdamin ng mga tao. Ihasik ang takot upang magtago ang mga tao sa halip na magsaliksik. Magbinhi ng lagim upang balutin ng dilim ang sangkalupaan.



Yamot ang Panginoon sa fake news dahil ang itinataguyod nito ay kawalang pag-asa.



Pero, paano naman ang Mabuting Balita (good news)? Sa ebanghelyo ngayon ang laman ay pagkawasak, kaguluhan, pagkalito at katapusan ng panahon. Dapat ba talaga tayong magsimula ng Adbiyento sa ganito nakakatakot na mga pangitain? Subalit, ang mga salita ng ebanghelyo, kahit sa unang sulyap ay nakakasindak, ay hindi peke kundi tunay.



Nais lamang ng Panginoon na ipakita sa atin ang mga pangyayaring tiyak na magaganap, mga pangyayaring hindi natin maiiwasan bilang mga mortal sa lupang ibabaw. Dahil hanggat nasa lupa tayo dapat nating malamang lahat ng materyal na bagay ay guguho at maglalaho. Lahat ng bagay ay may hangganan.



Bilang mga tagasunod ni Hesus, ang katapusan, pagkawasak, pagkalito at mga hilahil ng buhay ay hindi sapat upang mabulid tayo sa pagkalumpo ng ating damdamin at kaisipan. Sa halip, ang mga ito ay mitsa sa lalong umiigting na pag-asa. Kung babasahin mo uli ang ebanghelyo ngayon, pansinin mo na ang mga kagimbal-gimbal na balita ay panimula pa lang sa lalong magagandang bagay na magaganap. “Tumingala; itaas ang iyong ulo. Ang kaligtasan ay narito na!”



Ang pag-asang ito sa gitna ng mga pagsubok ay darating sa pamamagitan ng panalangin at higit na tiwala sa pagmamahal ni Hesus.



Sa pekeng balita, nalulugmok tayo sa siphayo; sa mabuting balita naman bumubukas sa atin ang pinto ng pag-asa.



Narito ang ilang mga salita mula sa kaban ng mga santo na makatutulong upang lupigin ang tukso ng siphayo sa kapangyarihan ng pananampalataya at pag-asa sa Panginoon.



Padre Pio: Manalangin, umasa at huwag mag-alala. Ang pag-aalala ay walang silbi. Mahabagin ang Diyos at diringgin niya ang iyong panalangin.



Santa Teresa ng Avila: Huwag kang mabahala; huwag kang matakot; lahat ng ito ay lilipas din subalit ang Diyos ay hindi magbabago. Sa pagtitiis, makakamtan ang lahat; kung taglay ang Diyos walang magiging kulang sa buhay; ang Diyos lamang ay sapat na para sa atin.


ISANG PINAGPALANG ADBIYENTO MULI SA INYONG LAHAT!

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS