IKA-ANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
NAGTITIWALA KA BA SA KANYA?
May pinagkatiwalaan ka bang
kaibigan ng sikreto mo na pagkatapos ay nagkalat nito sa iba? Iniwan mo ba ang
pinakaiingatang pera mo sa isang taong bigla na lang nilustay ito? Nakaranas ka
na bang magmahal sa taong nanloloko lang pala? Lumapit ka ba sa taong akala mo
ay tutulong tapos napahamak ka pa at pinabayaan?
Kay dami sa ating makakaugnay sa
ganito at tulad pang mga insidente nang tayo ay magtiwala sa mga tao. Kalimitan,
dahil sa naranasang sakit, tila ang hirap maniwalang may taong mapagtitiwalaan
pa. Nagtataksil maging ang kaibigan. Nanloloko maging ang minamahal. Pati ang mga
kamag-anak ay nanlilinlang, nanggagamit, at nagmamaramot din sa isa’t-sa.
Sa unang pagbasa ngayon (Jer 17), may babala laban sa pagtitiwala sa mga tao. “Susumpain
ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao, sa
lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.” Mahirap mabuhay na walang
pinagtitiwalaan, dahil mabubukod ka naman sa iyong kapaligiran. Subalit, paalala ng propeta Jeremias, ang tunay
na kaligayahan at ang tunay na kaganapan ay hindi sa mga tao magmumula. Maraming
mabubuting tao sa paligid pero bawat isa ay may angking kahinaan at kakulangan
sa pananaw, pagkilos at hangarin.
Sa halip, itinuturo ng Salita ng
Diyos ngayon na tumingala at umasa lamang sa Panginoon at sa kanyang
kapangyarihan. Ipinapahayag ng Panginoong Hesus na mapapalad ang mga taong sa
Diyos lamang naghihintay ng kaligtasan at patuloy na kumakapit sa kamay ng
Panginoon na mag-aalaga at magtatanggol sa kanila. Ayon kay San Lukas,
mapapalad ang mga tunay na naghihikahos sa kahirapan, iyong mga hindi na
makahalakhak dahil sa kagagawan ng iba, iyong pinagkaisahan ng mga nanunuya,
bully, basher at hater sa lipunan, at
iyong mga tila propeta na tinutuligsa ngayon dahil sa pagsasabi ng katotohanan.
Tunay na mapalad ang mga taong,
matapos ang mapait na karanasan sa kamay ng kapwa, ngayon ay bumabaling sa
Panginoon, sa Diyos, na hindi magbabale-wala, magsisiphayo, at magtatatwa sa
kaniyang minamahal na mga anak.
Tapatin natin ang ating sarili,
talaga bang sa Diyos tayo nakasandig para sa ating kaligayahan at kaganapan o
sa mga tao o ari-arian natin sa paligid natin? Tunay bang sa Panginoon tayo
umaasa o mas panatag tayong magtiwala sa sariling kakayahan at lakas?