ANG DAAN NG KRUS SA PANAHON NG CORONA VIRUS
PAMBUNGAD
Luwalhatiin natin sa Krus si
Hesus.
Iniligtas niya tayo’t pinalaya
Sa pamamagitan niya natagpuan ang
kaligtasan,
Buhay at pagkabuhay.
PAGHAHANDA
Ihanda ang sarili sa panalangin.
Ilagay ang sarili sa harapan ng Diyos na handang sumama sa kanyang Anak sa daan
ng Kanyang hirap, kamatayan at kaluwalhatian. Ialay sa kanya ang anumang tila
nakababagabag sa iyo na maaring makasagabal sa iyong pananalangin upang higit
itong maging makahulugan sa iyo. Ihingi ng tawad and anumang pagkukulang o
pagkakasalang maalaala sa sandaling ito.
Katahimikan
PANALANGIN
Panginoon, kakaiba ang Kuwaresmang ito. Gaganapin namin ang karaniwang mga pagdiriwang halos lahat sa loob ng aming tahanan. Panonoorin namin ang
mga pagdiriwang sa simbahan mula sa aming mga telebisyon at computer.
Mangungulila kami sa mga nakaugaliang makulay at makabuluhang ritwal,
prusisyon, pabasa at Visita Iglesia.
Lahat ng ito ay dahil sa
bumabalot na takot sa buong mundo ngayon dulot ng corona virus. Natigil man ang
ikot ng dating mundo, patuloy naman ang paglago ng pananampalataya at pananalig
sa Iyo. May limitasyon man ang pagpasok sa mga simbahan, bukas naman ang daluyan ng biyaya mula
sa Iyong mapagpalang mga kamay.
Itulot mo pong ipagdasal namin
ang mga lubos na naapektuhan ng virus magpahanggang ngayon – ang mga nagkakasakit pa, ang mga
hinihinalang maysakit, ang mga magigiting na frontliners sa ospital, pamilihan
at lansangan, at ang mga yumao na dahil sa sakit na dulot ng virus.
Naway matuto kaming magmahal
tulad ni Hesus sa aming kapwa tao at sa lahat ng nilalang mo sa daigdig na ito.
Sa pamamagitan ni Kristo, kasama mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang
hanggan. Amen.
UNANG ISTASYON: Hinatulan si Hesus ng kamatayan
L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang
sanlibutan.
Pagbasa: Mk 15:1-5,
15
Katahimikan
Pagninilay
Binihag ka Panginoon, at hinatulan ng kamatayan.
Hindi ito makatarungan subalit isinagawa pa rin nila – kahit
ikaw ay walang sala.
Libu-libo sa ating mundo ngayon ang tila bihag na hindi alam
ang kanilang kahihinatnan: mga tao sa barko, hotel, lungsod, kapitbahayan, mga
lumikas sa kampong militar, mga taong nakakulong sa bahay at nakabukod sa
kapwa.
Mga inosenteng biktima din sila: biktima ng isang karamdaman
na hindi nakikita, nalalasahan o nadarama.
Ipinagdarasal po naming ang mga nasa piitan at kulungan,
nasa himpilan ng immigration, at iyong mga naghahanap-buhay doon upang
mapangalagaan ang kalusugan ng lahat.
Ipinagdarasal po namin sila. Maranasan nawa nila ang iyong
presensya. Bantayan mo po sila. Espiritu Santo, gawaran mo po sila ng
kapayapaan.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKALAWANG ISTASYON: Pinasan ni Jesus ang kanyang krus
L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang
sanlibutan.
Pagbasa: Jn 19:6,
15-17
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, binigyan ka ng krus, mabigat na pasanin na puno
ng pahirap, kamatayan at pagdurusa ng buong sangkatauhan.
Ang pagkakalayo ng aming buhay sa iyo sa pamamagitan ng
kamatayan ay isang pabigat na napakahirap pasanin.
Ito po bang pagkakalayo, kamatayan at karamdaman na
nararanasan sa mundo ngayon mula virus na ito ay bahagi ng krus na iyong
dinala?
Kumapit nawa kami sa iyong pagmamahal at sa iyong pagbubuhat
ng krus upang makalampas sa mga pagkakataong ito nang hindi mawaring kinabukasan.
Bantayan mo po kami.
Espiritu Santo, ipakita mo po sa amin kung paano tanggapin ang krus ng pandemyang
ito at umusad mula dito.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKATLONG ISTASYON: Nabuwal si Jesus, sa unang pagkakataon
L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang
sanlibutan.
Pagbasa: Is
53: 4-7
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, nadapa ka sa bigat ng krus na iyong pinasan at sa
sakit ng mga sugat na iyong tinamo.
Ang daan ay hindi madaling lakarin, at ang lahat ng ito ang
nagpadapa sa iyo sa lupa.
Ang coronavirus ay hindi inaasahan at nagdulot sa aming
mundo, bansa, at pamayanan na mapaluhod sa pakikipaglaban sa di nakikitang
sakit na iba’t-iba din sa bawat tao.
Isa-isang bumabagsak ang mga bansa… subalit kung paanong
hindi ka sumuko, hindi rin susuko ang sangkatauhan na iyong nilikha.
Bantayan mo po kami.
Espiritu Santo, sa tulong mo, ang mundo nawa ay bigyang
karunungan na makatayong matibay laban sa karamdaman.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKA-APAT NA ISTASYON: Nasalubong ni Jesus ang kanyang Ina
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Lk 2: 25-40
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, mahal ka ng iyong Ina
at mahal mo din siya.
Ang makitang kang napakahina at pagud
na pagod ay napakahirap para sa kanya.
Nawa ang mga pamilya sa mundo, sa
aming bansa, sa aming pamayanan ay magtipon at
magkaisa at magtulungan sa panahong ito ng pagsubok.
Nawa ang panahong ito ng
pagsasama sa tahanan ay maging pagpapala upang lalong magkakilala ang bawat isa
at magmalasakit para sa isa’t-isa nang may pagmamahal na lubos.
Bantayan mo po kami.
Espiritu Santo, pagbuklurin mo po
kami at tulungang maging panatag ang bawat isa.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKALIMANG ISTASYON: Inatasan si Simon na pasanin ang krus
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Mk 15: 16-21
Katahimikan
Pagninilay
Mabigat ang krus at bumabagal ang
mga hakbang mo, Panginoon.
Inutusan nila si Simon na
tulungan ka.
At pakumbaba mong tinanggap ang
kanyang tulong.
Alam naming sa panahong ito ng
pandemya bawat bansa ay nagsasaliksik at nagsisikap labanan ang virus,
pagalingin mo nawa po ang mga mamamayan at makatagpo ng lunas o gamot na makatutulong.
Ipinapanalangin namin ang mga
nasa World Health Organization, mga sentro ng pagsugpo ng karamdaman, ang mga nahalal na opisyal, upang gumawa ng mabuting pasya para sa
kapakanan ng lahat at gamitin nang tama ang pondo ng bayan.
Nawa ang mga opisyal ng
pamahalaan at mga grupong medikal sa lahat ng bansa ng daigdig ay umayon at
maging handang ibahagi ang mga karunungan sa isa't-isa upang, sama-sama, sa
gabay ng Espiritu Santo, matutunan natin kung ano ang mabisa at kung paano
maingat na harapin ang krus ng karamdaman.
Bantayan mo po sila. Sa
pamamagitan ng kanilang paglilingkod nawa’y maidulot nila ang pagpapagaling.
Espiritu Santo, gabayan mo po
sila.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKAANIM NA ISTASYON: Pinunasan ni Veronica ang mukha ni Jesus
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Is 53: 2-3
Kahahimikan
Pagninilay
Panginoon, dugo, pawis at dumi
ang nakabalot sa mga mata at mukha mo at nagiging mahirap makita ang iyong
daraanan.
Nang matimyas at buong pagmamahal
at paglingap na punasan ang iyong mukha, nagkaroon ka ng konting ginhawa.
Naghahanap tayo ng mga paraan
upang ibsan ang pangamba at takot sa mga tao, at mga paraan upang pangalagaan
at magbigay ng impormasyon na walang pagkatakot at pagkakagulo.
Isinasama naming sa panalangin
ang mga kaparian na patuloy na nakikipag-ugnay sa mga may karamdaman at
nagdarasal para sa kanila. Ingatan mo po sila.
Ipinagdarasal namin ang
pamayanang medikal na nangangalaga sa maysakit at nagtatrabaho ng walang sawa
sa loob ng matagal na panahon.
Ingatan mo po sila, at bigyan ng
karunungan.
Nawa ang bawat bansang naghahanap
ng pagsugpo ng virus ay maging halimbawa para sa buong daigdig.
Bantayan mo po kami. Espiritu
Santo, tulungan mo po kaming magtiwala at huwag matalo ng takot.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKAPITONG ISTASYON: Nabuwal si Jesus, sa ikalawang pagkakataon
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Awit (Salmo) 38: 6-22
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, nagapi ka ng
panghihina at nabuwal dahil sa bigat ng krus na pasan mo alang-alang sa amin.
Nananalangin kami para sa
kahinaan ng sistema ng aming pamahalaan at sangay pangkalusugan na labanan ang
hindi pa lubos na nakikilalang coronavirus.
Wala pa kaming karanasan tulad
nito at kailangan namin ang iyong tulong sa pagsugpo dito.
Mas malakas kami kung nagkakaisa
kaysa kung nagtatalo sa mga patakaran at alituntunin,
Tulungan mo po kaming makita ang
aming kahinaan at ayusin ito at magtulungan para sa kabutihan ng buong
sangkatauhan.
Bantayan mo po kami.
Pagkaisahin mo po kami.
Espiritu Santo, turuan mo silang
isantabi muna ang mga di pagkakasundo, at tulungan mo po kaming harapin ang
pagsubok, gawin ang iyong gampanin dito sa mundo.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKAWALONG ISTASYON: Nagsalita si Jesus sa mga kababaihan ng Jerusalem
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Lk 23:27-31
Katahimikan
Pagbasa
Panginoon, ang ilan sa iyong mga
kaibigan ay nagnais na tulungan ka sa panahon ng pinakamatindi mong
pangangailangan.
Sa mga panahon ng paghamon
nakikita naming ang mga pamilya at magkakaibigan na nagtutulungan.
Nakikita namin na ang mga
magkakakilala man o dayuhan sa isa’t-isa ay nagpapakain ng mga taong walang
makain, nagbibigay ng mga pangangailangan ng mahihirap.
Nakikita namin ang mga manggagawang medikal na inilalagay
ang sarili sa panganib para lamang makatulong sa mga maysakit, kahit minsan
hindi nila alam kung ang hinaharap nila ay seryosong karamdaman o simpleng
sipon lamang.
Panalangin po namin na ang mga nag-aalala sa mga mahal sa
buhay at ginagawa ang lahat upang alagaan sila dito sa aming kapitbahayan.
Bantayan mo po sila.
Hikayatin mo po sila.
Espiritu Santo, bigyan mo po sila ng pang-unawa sa pag-asa.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKASIYAM NA ISTASYON: Sa ikatlong pagkakataon, nabuwal uli si Jesus
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Ebreo 4: 15-16
Katahimikan
Pagbasa
Panginoon, ang mga kirot mula sa
iyong ulo hanggang paa ay nakapapaso na at nakapanlulumo na.
Kayhirap ituon ang isip sa bawat
paghakbang, at ang sakit ay sobrang tindi na nabuwal kang muli.
Mahirap unawain kung ano ang
pinagdaanan mo.
Ang hirap ding maunawaan na
nabubuhay kami sa panahong ito kung saan ang isang munting virus lang pala ang
makapagpapatigil sa mundo.
Ipinagdarasal namin ang mga taong
nagsasamantala sa kapwa sa pamamagitan ng paghahakot at pagtatago ng mga
pangangailangan o kaya naman ay pagtitinda ng mga ito sa napakataas na presyo.
Ito ang nagmimitsa sa
pagkakagulo, pagkasiphayo at pagkagalit.
Bantayan mo po kami.
Baguhin mo po ang mga puso namin.
Espiritu Santo, hipuin mo po ang
kanilang puso upang itigl ang masasamang gawain,
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKA-SAMPUNG ISTASYON: Hinubaran si Jesus
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Jn 19:23-24
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, nang hinubad ang iyong
kasuutan, nilibak ka at binusabos.
Nakikita naming may mga nililibak
sa dahilang pinaghihinalaan silang may taglay na virus.
Humihingi kami ng patawad sa mga
pagkakataong natakot kami sa kapwa dahil sa kanilang kultura, lahi, edad, piniling kasarian, o sa
antas ng kanilang pananalapi at pinag-aralan.
Lahat po kami ay iyong mga anak
at dapat lamang magturingan na may dangal at paggalang.
Ipinanalangin namin ang mga bansa
at bayan kung saan mas malala ang virus: ang mga taong may iniindang mga sakit,
ang mga matatanda, at ang mga may kapansanan.
Bantayan mo po sila.
Patatagin mo sila.
Espiritu Santo, buksan mo po ang
kanilang mga mata sa anumang di pantay at di makatarungang pagtrato sa kapwa at
bigyan mo po kami ng tapang na ipagtanggol ang mga nangangailangan.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKALABING-ISANG ISTASYON: Ipinako si Jesus sa krus
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Lk 23:33-34
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, ipinako ka sa krus at
itinaas para makita nang lahat at hatulan.
Ang paghihirap at kamatayan ay
tumagos sa buong katawan mo sa bawat
hininga mo.
Hindi ka iniwan ng iyong ina, at
ng ilang mga kaibigang matapat na nagtanod sa harapan mo.
Sa gitna ng pasakit, nakuha mo
pang damayan ang magnanakaw sa tabi mo at ialay sa kanya ang kaligtasan.
Naghahanap din kami ng paniniguro
sa panahong ito.
Ilan sa amin ang takot sa
kamatayan ng aming kaginhawahan.
Apektado na ang mga trabaho.
Nagbago ang buhay mula nang ilang
linggo pa lamang dahil sa naganap sa buong mundo.
Nangako kang hindi mo kami iiwang
nag-iisa.
Maunawaan nawa ito ng lahat at
kilalanin ang iyong pananatili sa aming buhay.
Bantayan mo silang lahat.
Pagkaisahin mo sila.
Espiritu Santo, naway makita
namin si Kristo sa bawat isa.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKALABINDALAWANG ISTASYON:Namatay si Jesus sa krus
L: Sinasamba ka namin O Kristo
at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na
Krus ay naligtas ang sanlibutan.
Pagbasa: Lk 23:44-46
Katahimikan
Pagninilay (Nakaluhod kung kakayanin)
Panginoon, ang kamatayan mo ay
isang sakripisyong batbat ng pahirap at sakit.
Namatay ka para sa bawat isa sa
amin.
Mapagbigay, mapagkumbaba, ganap
at buo ang iyong pagsuko ng sarili.
Ang kamatayan mo ang nagpalaya sa
amin sa hirap ng walang hanggang pagkakawalay sa iyo.
Nagdarasal kami para sa mga tao
sa mundo, sa aming bansa at sa pamayanan na namatay na o nag-aagaw buhay pa
dahil sa corona virus.
Ipinananalangin din namin ang
lahat ng kaluluwa ng mga yumao na, sa
pamamagitan ng iyong awa at kabutihan, ay kaugnay mo.
Espiritu Santo, mapahinga nawa
sila sa pagkakakilala ng kanilang kahalagahan sa iyo.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
(Maaari nang tumayo)
IKALABINTATLONG ISTASYON:Si Jesus ay ibinaba mula sa Krus
L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang
sanlibutan.
Pagbasa: Jn 19: 38-40
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, ang katawan mo ay ibinaba mula sa krus at naroon
ang iyong ina na tumanggap sa iyong wasak at walang buhay na bangkay.
Ang kanyang pighati, dalamhati, at pagkalito ay maaaring
kalakip na rin ng takot at galit.
Subalit may pag-asa sa kanyang puso.
Kilala ka niya at mahal ka niya at dahil dito puno siya ng
pag-asa.
Hindi niya naunawaang lubos kung ano ang kahulugan ng
pag-asang iyon, subalit alam niyang hindi mo iiwanang ang mga minamahal mo na
nag-iisa at nalulumbay.
Bilang mga taong balot ng banta ng virus na ito, nagluluksa
kami sa mga namamatay.
Kami din ngayon ay nabubuhay sa kalungkutan at pagkalito, sa
takot at galit.
Lumalapit kami sa iyong Ina, ang Mahal na Birheng Maria,
bilang huwaran ng pag-asa sa harap ng hindi inaasahan at hindi nalalaman.
Bantayan mo kami.
Maria, aming Ina, ipanalangin mo po kami.
Espiritu Santo, tulungan mo kaming makatagpo ng pag-asa sa
pinakamadilim na oras ng buhay, dahil alam naming hindi kami pababayaan, lalo
na sa sandali ng matinding pangangailangan.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKALABING-APAT NA ISTASYON: Inilibing si Jesus
L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang
sanlibutan.
Pagbasa: Mt 27:57-60
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, ang katawan mo ay nahimlay sa puntod na bigay sa
iyong Ina para sa iyong libing.
Ito ang sandali ng ganap na pagkakalayo ninyong dalawa.
Ipinagdarasal namin ang mga nasa mundo, bansa, bayan, at
pamayanan naming nakaramdam o makakaramdam pa lamang ng pagkakalayo sa
minamahal dahil sa virus na ito.
Kailangang lumayo sa kapwa sa larangan ng “social
distancing.”
Bumubukod kami sa mga maysakit.
Nananatili kami sa aming tahanan takot na umalis sa lugar
kung saan kami ligtas at pinapayuhan kaming maglagi dito. Ang paglayo sa kapwa
ay nakakatakot at nakakalumbay, subalit ito din ay isang pinagpalang panahon ng
paghilom.
Ipinagdarasal namin ang mga walang ligtas na masisilungan…
ang mga palaboy sa lansangan.
Ipinagdarasal namin ang mga tuluyan nang lumayo sa mundong
ito dahil sa kamatayan.
Espiritu Santo, gawin mong madama namin ang iyong pananatili
sa aming piling.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
IKALABINLIMANG ISTASYON: Nabuhay na muli si Jesus
L: Sinasamba ka namin O Kristo at pinapupurihan
B: Sapagka’t sa Iyong Banal na Krus ay naligtas ang
sanlibutan.
Pagbasa: Jn 20: 1-10
Katahimikan
Pagninilay
Panginoon, hindi malirip ng sangkatauhan ang ligaya at
pagkamanghang ipagkakaloob mo sa amin sa iyong pagkabuhay mula sa kamatayan.
Ikaw ang Diyos ng surpresa!
Hindi namin lubos na maisip kung ano ang inilalaan mo sa mga
tao sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon.
Ang pagkabuhay ay ang taluktok ng pag-asa, ang taluktok ng
paggaling, ang taluktok ng kaligtasan.
Lumapit nawa kami sa iyo hindi lamang sa panahon ng aming
pangangailangan ngayon, kundi sa gitna din ng ligaya ng parating na hinaharap
kung mapawi na ang madilim na ulap… Tulungan mo kaming higit na maunawaan hindi
lamang ang bawat isa kundi ang paraan ng iyong paggabay, pagmamahal, paghilom
at pakikilakbay sa amin bilang aming palagiang kasama sa daan, hindi nang-iiwan
at laging nakikinig sa aming mga panalangin at pagsamo.
Ang pagkabuhay mo ay nangungusap ng pag-asa at ng darating
pa.
Dalangin ang alay namin ngayon para sa Santo Papa, Pope Francis,
ang aming obispo, mga pari, at lingkod-simbahan at lahat ng nakilakbay sa amin sa
madilim na landas.
Magkaisa nawa kami sa darating na bukas upang makibahagi sa pagkamangha
sa iyong luwalhati, nagniningning sa daan at nagdadala sa amin sa ibayo pa
roon.
Bantayan mo po kami.
Espiritu Santo, buhayin mo ang aming pananampalatay at
tulungan mo kaming huwag manlupaypay.
Katahimikan
Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati…
(salamat kay Maribeth Hopps ng Diocese of Saginaw, https://www.saginaw.org/stations-cross. Buong pusong
isinalin ni FRM sa Tagalog/ Filipino.)
Pangwakas
Oratio Imperata para sa
Covid-19
Makapangyarihan at mapagmahal na Ama, nagsusumamo kami sa
Iyo upang hilingin ang Iyong patnubay laban sa COVID-19 na nagpapahirap sa
marami at kumitil na ng mga buhay. Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasang
tumuklas ng mga lunas at paraan upang ihinto ang paglaganap nito.
Patnubayan Mo ang mga lumilingap sa maysakit upang ang
kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit. Itinataas namin ang mga
nagdurusa. Makamtan nawa nila ang mabuting kalusugan. Lingapin Mo rin ang mga
kumakalinga sa kanila. Pagkamitin Mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga
pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya na magtulong-tulong tungo sa
ikabubuti ng lahat. Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan.
Nagsusumamo kami na Iyong ihinto na ang paglaganap ng virus at ipag-adya kami
sa lahat ng mga takot.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na
nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos,
magpasawalang hangan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos.
Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan at ipagadya mo
kami sa lahat ng kasamaan, maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo
kami.
San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Roque,
ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
PAGBABASBAS
Ang Ama ng Awa ay nagkaloob sa atin ng halimbawang di
makasariling pag-ibig sa pagpapasakit ng Kanyang bugtong na Anak. Sa
paglilingkod natin sa Diyos at kapwa, matanggap nawa natin ang di mabilang na
biyaya ngayon at magpasawalang hanggan.
Tugon: Amen
Naniniwala tayo na sa pagkamatay ni Kristo ay winasak Niya
ang kamatayan magpakailanman. Pagkaloob nawa natin ang kanyang halimbawa at makibahagi
sa Kanyang Pagkabuhay ngayon at magpasawalang hanggan.
Tugon: Amen
Pagpalain nawa tayo
ng makapangyarihang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.
Tugon: Amen