VIRTUAL VISITA IGLESIA PARA SA PAGHILOM (HEALING) NG BAWAT TAO AT NG MUNDO: HUWEBES SANTO
A.
PAMBUNGAD NA AWIT
AT
PAGTATANGHAL NG KABANAL-BANALANG SAKRAMENTO
Habang itinatanghal ng pari ang Kabanal-banalang Sakramento sa altar,
luluhod ang tanan at aawit ng tradisyunal na imno, “O Salutaris Hostia” o ibang
awit pangsamba na kaugnay ng tema ng buwan. *Gabay: P
= Pari; N = Namumuno; T = Tagabasa; B = Bayan
O Salutaris Hostia
O salutaris Hostia,
Quae caeli pandis
ostium:
Bella premunt hostilia,
Da robur, fer auxilium.
Uni trinoque Domino
Sit sempiterna gloria,
Qui vitam sine termino
Nobis donet in patria.
Amen.
(o kaya sa Tagalog)
O Ostya ng Kaligtasan (sa saliw ng O Salutaris Hostia)
O Ostya ng kaligtasan
Pinto ka ng langit na bayan
Tulong mo laban sa kaaway,
Mangyaring sa ami’y ibigay.
Puri sa Diyos na Maykapal,
Sa tatlong Personang marangal,
Poon nawa’y aming makamtan
Ang langit na masayang bayan. Amen.
P o
N: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at
ng Espiritu Santo
B:
Amen.
1. Pambungad (nakaluhod ang lahat):
P o T:
Sa kanyang buhay at
paglilingkod sa mga tao, ibinunyag ng ating Panginoong Hesukristo ang Kaharian
at gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, kabilang dito ang mga pagpapagaling
sa maysakit na nagningas ng apoy ng pananalig, nagpahina ng alon ng alinlangan,
at nagpamalas ng tunay na puso ng Diyos. Ngayon, kailangan ng daigdig ang
pagpapagaling o paghilom dahil maging mga bansa o mga indibidwal na tao ay
tadtad ng mga sugat ng kasalanan, karamdaman at kasakiman. Habang nagtitipon
tayo, alalahanin natin ang mga lugar sa mundong ito at lalo na sa ating bansa
kung saan ang sugat ng karahasan, pagpatay, at pagpapabaya sa tao ay sumisigaw
para sa pansin, kapatawaran, at paghilom ng Diyos.
Sa natatanging paraan,
ipanalangin natin ang mapanghilom na kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng
pinarurusahan ng sakit ng katawan at kaluluwa. Nananalig tayong pagagalingin
tayo ng Diyos dahil ang kanyang pag-ibig ang nag-uudyok sa kanyang hipuin tayo
kung saan tayo pinakamahina at pinaka-nangangailangan ng tulong. Patuloy na
nagpapagaling ngayon ang Diyos ng Bibliya na humilom noon at nagbigay ng
pag-asa. Nanghihilom si Hesus sa isang dahilan lamang – mahal na mahal niya
tayo! Ito ang nagpapalakas ng loob natin na lumapit sa kanya na may
pananampalataya at pagtitiwala.
Sa Banal na Oras na ito,
tunghayan natin si Hesus, ang ating Tagahilom at Dakilang Manggagamot. Ang
kanyang Mapanghilom na Puso ay na-uumapaw sa mapayapang katiyakan na ang
naghahanap sa kanya ay makasusumpong ng kagalingan sa kanilang mga karamdaman
(Is 53:5), kalusugan at pagpapago (Mk 3: 5-6), at ibayong lakas para muling
maglingkod (Lk. 4:39).
2. Papuri at Pasasalamat (nakaluhod ang lahat)
P: Halina’t magpuri sa Diyos na Tagahilom natin at hingin sa kanyang
iunat ang kanyang mga kamay upang pagalingin ang wasak nating daigdig, sugatang
katawan, at mahinang espiritu. Ang ating tugon ay: Panginoong Diyos, sambitin
mo ang Salita at kami’y gagaling.
Ama, nilikha mo ang
mundong ito upang tamasahin ang kabuuan ng buhay at upang lahat ay makakilala
sa iyong taos-pusong pagbibigay ng buhay, kahulugan, at pakay. Sambahin at
luwalhatiin ka nawa bilang Amang naghihilom ng iyong mga anak…
Hesus, Dakilang Manggagamot, nadurog ang puso mo sa harap ng mga
naghihirap sa katawan, isip at kaluluwa at niyakap mo ang mga hilahil ng tao
upang ipadama ang iyong pagmamahal. Purihin at sambahin ka nawa bilang Salitang
nagdadala ang pagpapagaling sa lahat…
Espiritu Santo, na tinawag ni Hesus bilang Daliri ng Diyos (Lk
11:20), ang kapangyarihan mo ay namalas sa pagbangon ng mga nalugmok at sa
pagbubuong muli na ng nawasak. Luwalhatiin at ipagdangal ka nawa sa iyong
gawaing pagpapalakas at pagbuhay sa aming kaluluwa…
3. Panalangin para maranasan ang paghilom (nakatayo ang lahat)
P:
Manalangin tayo para sa kaloob na pagpapagaling sa ating sarili, sa ating mga
minamahal, at sa lahat ng mga umaasa sa mapaghimalang pakikitungo at
makapangyarihang kilog ng Diyos sa kanyang bayan.
Diyos ng kabutihan at awa, ipinasya mong ang daigdig ay maging
kaaaya-aya at angkop para sa lahat, isang daigdig kung saan namamayani ang
ligaya at kapanatagan ng buhay. Dahil sa aming mga kasalanan sa mahabang
panahon, umagos ang kapangyarihang nag-uudlot ng paglago, naninira ng buhay, at
nag-aakay sa kamatayan. Napakaraming mga tao ngayon ang nagdurusa dahil sa
nasirang pagkatiwasay ng kanilang buhay.
Kaugnay ng dalangin namin ngayon ang mga nasa banig ng karamdaman
sa mga pagamutan, klinika at tahanan. Inaalala namin ang mga walang pangtustos
sa kanilang paggaling at walang pambili ng kanilang gamot. Itinataas namin sa
iyo ang mga itinakda nang walang pag-asang gumaling pa. masdan mo ang kanilang
mga luha at ang kanilang takot at pagka-inip sa matagal na paghihintay.
Narito kaming taglay ang aming mga pagdaing bunga ng mga katawang
bugbog sa kapaguran at kabigatan, sa kahirapan sa paghahanap-buhay, sa
katandaan at kapabayaan. Habang pinagagaling mo kami lalo naming nadarama ang
konkreto mong pag-ibig sa amin. Ang paghilom mo ang siyang patunay ng iyong
kapangyarihan, at lalot higit ng iyong habag. Akayin nawa kami ng iyong Anak at
dalhin sa tunay na buhay. buhayin nawa ng Espiritu mo ang aming pag-asa at
turuan kaming magtiwala sa iyo sa bawat sandali.
Sa Banal na Oras na ito, ang Mapanghilom na Puso ni Hesus ang
magbibigay ng kahulugan sa aming mga dusa, maggaganyak sa aming tuklasin ang
iyong mukha sa gitna ng pagsubok, at magsasalita sa amin ng Salitang
nagpapalayas ng lahat ng karamdaman ng kaluluwa at katawan.
Hinihiling namin ito sa
pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristong Anak Mo, na nabubuhay at naghahari
kasama Mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.
B: Amen.
(sandaling katahimikan upang sumamba)
B. PAGDIRIWANG NG SALITA NG DIYOS
1. Panalangin ng mga Salmo (nakaupo ang lahat)
P o
N: Halinang ialay sa Panginoon ang
mga papuri at pagsamo mula sa mga Salmo.
(Maaaring dasalin ang mga Salmo nang marahan upang magnilay. Maaari
itong basahin nang sabay ng lahat o sagutan ng mga nakaupo sa magkabilang dako
ng pagtitipon – kanan, kaliwa – na may dalawang tagapamuno. Bagamat tatlong Salmo
ang mungkahi, ang pasyang gamitin ang
isa o dalawa lamang ay na sa kamay ng mga naghanda ng pagdiriwang.)
Salmo
34
Papupurihan ko
ang Panginoon sa lahat ng panahon,
Papuri sa
kanya ang laging nasa bibig ko.
Sa Panginoon
nagmamapuri ang aking kaluluwa,
Dinggin ito ng
mga hamak at sila’y magalak.
Dakilaing kasama ko ang Panginoon,
Sabay nating ipagbunyi ang kanyang
pangalan,
Hinanap ko ang Panginoon at sinagot
niya ako,
Pinalaya ako sa lahat kong pangamba.
Masdan siya at
magningning,
Hindi mahihiya
ang inyong mga mukha.
Dumaing ang
dukhang ito at dininig siya ng Panginoon,
At iniligtas
sa lahat niyang suliranin.
Nakabantay ang anghel ng Panginoon
sa paligid ng mga may pitagan sa
kanya at sila’y
sinasagip.
Tikman ninyo at tingnan na mabuti
ang Panginoon;
Masaya ang taong sa kanya
kumakanlong.
Magpitagan sa
Panginoon, kayong mga banal niya,
Hindi
kinakapos ang mga may pitagan sa kanya.
Hikahos at
gutom ang mga batang leon,
Ngunit di
kinakapos sa anumang mabuti ang naghahanap sa Panginoon.
Halina, mga anak, ako ay pakinggan,
Pitagan sa Panginoon ang ituturo ko
sa inyo.
Sino ang taong naghahangad ng buhay,
Pinagnanasahang makita ang mga araw
na mabuti?
Bantayan ang
‘yong dila sa masama,
Ang ‘yong mga
labi sa pagsasalita ng panlilinlang.
Lumayo sa
masama at gumawa ng mabuti,
Pakamithiin
ang kapayapaa’t ito ang pagsumikapan.
Laban sa masasama ang mukha ng
Panginoon
Upang burahin sa lupa ang kanilang
alaala.
Nasa makatarungan ang mga mata ng
Panginoon,
At ang kanyang mga tenga sa kanilang
mga daing.
Dumaraing
sila’t nakikinig ang Panginoon,
At inililigtas
sila sa lahat nilang suliranin.
Malapit ang Panginoon sa pusong
sugatan
at inililigtas niya ang nasisiraan
ng loob.
Kay raming paghihirap ang
makatarungan
At pinalalaya naman siya ng
Panginoon sa lahat ng
ito.
Iniingatan ang
lahat niyang mga buto,
Isa man sa mga
ito’y walang mababali.
Kasamaan ang
pagpatay sa tampalasan,
Sa mga
namumuhi sa makatarungan.
Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng
kanyang mga
lingcod
At di mapapahamak ang lahat ng
kumakanlong sa
kanya.
Luwalhati sa
Ama,
at sa Anak at
sa Espiritu
Santo.
Kapara noong unang-una,
ngayon at magpakailanman
at magpasawalang hanggan. Amen.
(sandaling
katahimikan bago dumako sa susunod na Salmo)
Salmo
5
Mga salita
ko’y dinggin, O Panginoon,
Bigyang-pansin
ang aking panaghoy.
Pakinggan ang
sigaw ng paghingi ko ng saklolo,
O aking Hari
at aking Diyos!
Sa’yo ako sumasamo, O Panginoon.
Sa
bukang-liwayway, dinidinig mo ako;
Sa bukang
-liwayway, sa’yo ako dumudulog,
Naghihintay at
nananabik.
Hindi ka diyos na nasisiyahan sa
masama;
Walang masamang makapananahan sa
piling mo.
Hindi makakatayo sa harap mo ang
mayayabang.
Kinamumuhian
mo lahat ng gumagawa ng masama,
Nililipol mo
lahat ng sinungaling.
Kinasusuklaman
ng Panginoon ang mga uhaw sa dugo at puno ng pandaraya.
Ngunit ako,
makatutuloy ako sa’yong tahanan
Dahil sa
masagana mong kagandahang-loob.
Buong-pitagan akong sasamba sa banal
mong
templo.
Akayin ako, Panginoon, sa’yong
katarungan.
Dahil sa aking mga kaaway, tuwirin
ang ‘yong landas
sa aking harapan.
Sapagkat
walang katapatan sa kanilang mga labi,
Puno ng
kapahamakan ang kanilang kalooban,
Hinukay na
libingan ang kanilang lalamunan,
At matatamis
na salita ang nasa kanilang mga dila.
Parusahan sila, O Diyos, gaya ng
nararapat,
Sila nawa ang mapasama sa kanilang
mga balak.
Ipagtabuyan sila sa dami ng kanilang
kasalanan
Pagkat sa’yo sila naghihimagsik.
Ngunit
magagalak lahat ng nananalig sa’yo
Sisigaw sa
tuwa magpakailanman.
Ikinakanlong
mo sila, sa’yo sila magdiriwang,
Silang may
pagpapahalaga sa’yong pangalan.
Ikaw nga, Panginoon, ang pagpapala
ng mga
matuwid,
Kagandahang-loob mo’y kalasag sa
kanyang paligid.
Luwalhati sa Ama,
at sa Anak at
sa Espiritu Santo.
Kapara noong
unang-una,
ngayon at
magpakailanman
at
magpasawalang hanggan. Amen.
(sandaling
katahimikan bago dumako sa susunod na Salmo)
Salmo
36
Kasalanan ang
kausap ng mga tampalasan
Sa kaibuturan
ng kanyang kalooban.
Walang takot
sa Diyos sa kanyang mga mata.
Ang galing-galing niya sa kanyang
mga mata
Para makita’t kamuhian kanyang
pagkakasala.
Kasamaa’t panlilinlang ang mga
salita ng kanyang
bibig,
Tinalikuran ang karununga’t
kabutihan.
Laman ng
puso’y masama hanggang sa higaan,
Nagmamatigas sa
daang di-mabuti,
Walang
masamang inaayawan.
Abot-langit,
Panginoon, ang ‘yong malasakit,
Hanggang-ulap
ang ‘yong katapatan.
Tulad ng mga bundok ng Diyos ang
‘yong
katarungan,
Tulad ng kalalim-laliman ang ‘yong
mga kahatulan.
Inililigtas mo, Panginoon, ang tao
at hayop.
Walang singhalaga ang malasakit mo,
O Diyos!
Kayat sa lilim ng ‘yong mga pakpak
kumakanlong
mga anak ni Adan.
Nabubusog sila
sa sarap ng ‘yong sambahayan,
Pinapainom
nila sa ilog na ‘yong Eden.
Pagkat nasa’yo
ang bukal ng buhay,
Sa liwanag mo
nakikita naming ang liwanag.
Pamalagiin ang ‘yong malasakit sa
mga kumikilala
sa’yo
Ang ‘yong katarungan sa mga may
pusong tapat.
Huwag akong patapakan sa mayabang,
ni ipataboy sa kamay ng tampalasan.
Haya’t
nangabuwal, mga gumagawa ng masama,
Lugmok at di
makabangon pa.
Halina’t papurihan ang Diyos Amang
Makapangyarihan
At ang Anak Niyang Si Hesukristong
Panginoon ng
tanan
At ang
Espiritu Santong nananahan
Sa ating puso
magpakailanman. Amen!
(sandaling
katahimikan bago dumako sa Panalanging Pang-Salmo)
2. Panalanging
Pang-Salmo (nakatayo
ang lahat)
P:
Magsitayo
po tayo at manalangin…
Pinasasalamatan
Ka namin, Diyos na Makapangyarihan, dahil sa ibinigay Mo sa amin ang kaningningan
ng araw at ang katahimikan ng gabi. Idinadalangin Namin na sa Iyong masaganang
kabutihan, hipuin Mo ang mundo ng Iyong mapanghilom na pag-ibig at palibutan
ang aming mga puso ng kapangyarihan ng Espiritung sa ami’y muling magbabangon. Sa pamamagitan ni
Kristong aming Panginoon.
B: Amen.
(Habang nakaupo ang lahat, magkakaroon ng panahon ng pagsamba;
maaaring magpatugtog ng banayad na musikang makatutulong sa pagninilay;
maaaring gawing kulimlim ang mga ilaw kung sa gabi.)
3. Pagbasa mula sa Mabuting Balita/ Kasulatan
Tatayo ang lahat habang umaawit ng Aleluya o bersikulo (kung panahon
ng Kuwaresma o kung ang pagbasa ay hindi mula sa mga Ebanghelyo o Mabuting
Balita). Babasahin ang Mabuting Balita sa ibaba, o ang Mabuting Balita para sa
Misa ng araw na ito, o anumang angkop na pagbasa, kahit hindi mula sa mga
Ebanghelyo.
P: Sumainyo ang Panginoon.
B: At sumainyo rin.
P: Pagbasa mula sa Mabuting Balita ayon kay
Mateo (8:5-13)
Pagdating ni Hesus
sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga
sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa
kanya ni Hesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan:
“Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa ilalim ng aking bubong. Mag-utos ka
lang at gagaling na ang aking katulong. Dahil tao rin akong nasa ilalim ng
kapangyarihan ng iba, at may mga kawal na nasa ilalim ko mismo at sinasabi ko
sa isa: ‘Pumaroon ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo
ito,’ at ginagawa niya.” Nang marinig ito ni Hesus, humanga siya at sinabi sa
mga sumusunod sa kanya: “ Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang
ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa
silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian
ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at
doon ang iyakan at pagngangalit g mga ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan:
“Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa
oras ding iyon.
P:
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
B:
Pinupuri Ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Maaaring magbigay ng pagninilay ang pari kaugnay ng tema, na susundan
ng tahimik na pagsamba. Kung walang pagninilay ng pari, nakaupo at tahimik ang
lahat na magninilay sa pagbasang ipinahayag. Makakatulong ang banayad na
“background music.” May mungkahing mga gabay sa pagninilay at pagdarasal sa
susunod na bilang para sa indibidwal o maliit na grupo.)
4. Mga Mungkahi para sa Personal na Pagninilay (kung walang pagbabahagi ng pari)
* Buong layang pinaglingkuran ni Hesus ang mga maysakit na lumapit sa
kanya. Ang paglingap na ito ay bunga ng kanyang habag para sa mga nagdurusa, at
hindi dahil nais lamang niyang ipakitang siya ay makapangyarihan. Mayroon bang
mga kamag-anak o kaibigan tayong nangangailangan ng ating presensya o tulong
ngayon? May panahon ba tayo para sa kanila o may maiaabot ba tayong tanda ng
ating pagmamahal?
* Ang paghilom ay kaloob ng Diyos. Kapag ibinigay ito sa atin,
tanggapin nang may pasasalamat. Kung kailangan naman nating maghintay o magtiis
pa, hilingin sa Espiritu na gawaran tayo ng biyaya ng pagtitimpi, pagpapaubaya
at pag-aalay.
* Itaas sa Panginoon ang iyong hinihinging kagalingan at gayundin ang
mga maysakit na nagpapatulong sa iyong mga dasal.
5. Awit sa Mahal na Puso
Matapos ang pagbabahagi ng pari o tahimik na pagninilay at panalangin,
mag-aalay ng Awit sa Mahal na Puso ni
Hesus. May mga tradisyunal na bersyon sa dulo ng aklat na ito.
6. Panalangin ng Bayan para
sa Paghilom
P:
Taglay ang pananampalataya sa Mapanghilom na Puso ni Hesus, tumayo tayo at
manalangin may lakas-loob na gagawin niya tayong buo at maligaya sa kanyang
Kaharian. Sa bawat pagluhog, ating sasambitin: Panginoon, pagalingin mo kami at ibalik sa katiwasayan.
Tagabasa:
Para sa mga nariritong
may nararamdamang sakit ng katawan…
Para sa mga maysakit na natagpuang malala ang kalagayan…
Para sa mga maysakit na
walang pangtustos sa gastusin…
Para sa mga nagtalaga ng sarili upang alagaan ang mga maysakit na
mahal sa buhay…
Para sa mga maysakit na kailangang itago ang kalagayan dahil sa
kahihiyan…
Para sa mga doktor na may misyong magpagaling ng karamdaman ng
kapwa…
Para sa mga batang nagdurusa kahit sila ay walang-malay…
Para sa mga matatandang unti-unting nanghihina…
Para sa mga mabubuting loob na tumutulong sa mga dukhang maysakit…
Para sa mga maysakit na nasa bingit ng kamatayan…
Para sa mga maysakit sa isip at kaluluwa…
Para sa mga maysakit na nais makipagkasundo sa Diyos…
Tahimik na alalahanin ang mga pansariling kahilingan… (katahimikan)
B: Ama namin, sumasalangit Ka…
P:
O Mahal na Puso ni Hesus, batid kong isang bagay lamang ang imposible sa Iyo at
iyan ay ang maubusan ng awa para sa mga naghihirap at nangangailangan. Maawa Ka
sa aming abang mga makasalanan at pagkalooban kami ng biyayang aming hinihiling
sa Iyo sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Puso ng Iyong Inang si Maria na
siyang Ina din namin sa larangan ng biyaya. Amen.
C. PAGBABASBAS NG KABANAL-BANALANG SAKRAMENTO
AT MGA PANGWAKAS NA PANALANGIN
Luluhod ang lahat habang inaawit ang Tantum Ergo. Maghahandog ng insenso ang pari sa altar.
Tantum ergo Sacramentum
Veneremur cernui:
Et antiquum documentum
Novo cedat ritui:
Praestet fides
supplementum
Sensuum defectui.
Genitori, Genitoque
Laus et jubilatio,
Salus, honor, virtus
quoque
Sit et benedictio:
Procedenti ab utroque
Compar sit laudatio.
Amen.
Priest: Panem de caelo
praestitisti eis.
All: Omne delectamentum in se habentem.
Priest: Oremus:
Deus, qui nobis sub
sacramento mirabili, passionis tuae memoriam reliquisti: tribue, quaesumus, ita
nos corporis et sanguinis tui sacra mysteria venerari, ut redemptionis tuae
fructum in nobis iugiter sentiamus. Qui vivis et regnas in saecula saeculorum.
All: Amen.
o sa Tagalog:
Lahat
Tayo ay Mag-alay
Lahat tayo ay mag-alay
sa Panginoong Hesus
ng pananalig na tunay
para tanggaping lubos
itong bagong kasunduan
sakramentong kaloob.
Sa Amang D‟yos
at kay Hesus
magpuri lahat tayo.
Purihin din ang kaloob
na Espiritu Santo
upang laging maihandog
ang ating sakramento.
Amen. Amen.
P:
Binigyan Mo sila ng tinapay buhat sa langit
B: Na naglalaman sa kanyang sarili ng lahat ng katamisan
P: Manalangin tayo:
O Diyos, na sa ilalim ng
kamangha-manghang Sakramento ay iniwan Mo sa amin ang alaala ng Iyong hirap at
sakit; ipagkaloob Mo nawa’y sambahin namin ang banal na mga hiwaga ng Iyong
Katawan at Dugo, na nawa’y lagi naming madama sa aming mga sarili ang mga bisa
ng Iyong kaligtasan; Ikaw na nabubuhay at naghaharing kasama ng Diyos Ama sa
kaisahan ng Espiritu Santo, Diyos magpakailanman at magpasa walang hanggan.
B:
Amen.
(Kukunin ng pari ang lalagyan ng Kabanal-Banalang Sakramento upang
basbasan ang mga tao. Pagbalik sa luhuran, pangungunahan niya ang pagdarasal ng
Pagpupuri.)
Pagpupuri
P at B:
Purihin ang Diyos.
Purihin ang kanyang santong ngalan.
Purihin si Hesukristo,Diyos na totoo at tao
namang totoo.
Purihin ang ngalan ni Hesus.
Purihin ang kanyang kabanal-banalang Puso.
Purihin ang kanyang kamahal-mahalang Dugo.
Purihin si Hesukristo sa Santisimo Sakramento
sa altar.
Purihin ang Espiritu Santo, ang mang-aaliw.
Purihin ang Dakilang Ina ng Diyos na si Maria
Santisima.
Purihin ang kalinis-linisang paglilihi sa kanya
Purihin ang maluwalhating pag-aakyat kay Maria,
kaluluwa at katawan.
Purihin ang ngalan ni Maria, Birhen at Ina.
Purihin si San Jose,ang kanyang
kalinis-linisang esposo.
Purihin ang Diyos sa kanyang mga anghel at
kanyang mga Santo.
(Matapos ang sandaling katahimikan, ibabalik ng pari ang
Kabanal-Banalang Sakramento sa tabernakulo, sa saliw ng awiting O Sakramentong
Mahal o iba pang angkop na awit kaugnay ng tema ng buwan. Pagkatapos, tahimik
na lilisan ang lahat.)
O Sakramentong Mahal
O Sakramentong Mahal
Na sa langit buhat
Ang puri ng kinapal
Iyong-iyong lahat
Iyong-iyong lahat.