DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NI HESUS SA LANGIT K

 


HANDA NA KAYO!

LK. 24: 46-53

 




 

 

Kung isa kang unang alagad ng Panginoong Hesus, at nalaman mong nabuhay siyang muli, ano ang aasahan mo sa kanya? Na babalik siya sa Herusalem para magpakitang gilas, harapin ang kanyang mga kaaway at buuin muli ang kanyang grupo. Hindi malayong isipin mo na ngayon na ang panahon ng katuparan ng kanyang mga pangako at pagtatatag ng kanyang Kaharian sa lupa.

 

Subalit iba ang plano ng Panginoon. Bago pa man siya ipako, nasabi niyang babalik siya sa Ama. Ipinagdiinan niiyang hindi sa mundong ito ang kanyang kaharian. Ang pag-akyat niya sa langit ay bahagi ng plano niya matapos ang tagumpay ng kanyang misyon. Sa kanyang puso, tiwalang-tiwala siya sa kanyang mga alagad. Para sa kanya, handa na sila!

 

Handa na sila na maging kanyang Katawan. Ang mga alagad ay binubuo ng iba’t-ibang ugali, katayuan, kakayahan at pananaw. Hindi sila perpekto subalit kahit iba-iba, kaya na nilang magkaroon hindi lamang ng panlabas kundi ng tunay at spirituwal na pagkakaisa. Aalis si Hesus at hindi na muling makakapiling sa kanyang katawan pero ang mga alagad ang bagong Katawan niya sa lupa. Tiwala siyang magbubuo sila ng buhay na pamayanan ng pananampalataya.

 

Handa na silang tanggapin ang Espiritu Santo. Inihahanda na ni Hesus ang mga alagad sa pagtanggap ng dakilang Kaloob. Pangako niyang pag-alis niya, hahalili ang Espiritu ng Diyos at pupunuin sila ng kapangyarihan. Subalit dapat muna silang maghintay, manalangin at humingi sa Diyos ng Kaloob na ito at “sa mga susunod na araw, maba-baptize kayo ng Holy Spirit” (NT Pinoy version). Hindi pa alam ng mga alagad ang buong saysay nito pero tiwala si Hesus na kaya na nilang buksan ang puso para sa Espiritung magdudulot ng kagalakan, kapayapaan at katapangan.

 

Handa na sila sa misyon. Sa mga huling sandali, ayaw ni Hesus makitang kalat-kalat ang mga alagad. Sa unang pagbasa at sa gospel ngayon, bilin niya na manatili sila sa Herusalem. Pero ang Herusalem ay simula lang ng nakakakabang pakikibaka na magdadala sa kanila sa buong daigdig. Tunay na magiging “witness ko kayo sa Herusalem, sa buong Judea at Samaria, at sa lahat ng lugar sa mundo” (NT Pinoy version).

 

Bakit kailangan pang umalis si Hesus? Hindi dahil siniphayo niya ang mga nagtiwala sa kanya; hindi dahil tinakasan niya ang mga umasa sa kanya; hindi dahil humiwalay siya sa mga nagtalaga ng buhay sa kanya. Umakyat siya sa langit dahil nagtitiwala siyang lubos sa mga alagad, naniwala siya sa kanilang maturity, at pinalakas na niya sila na ipangaral ang mensahe ng kaligtasan at kagalakan ng Diyos. Salamat Panginoon sa tiwala mo sa amin. Ito ang inspirasyon namin na patuloy kang paglingkuran!

 

(photo: fr tam nguyen)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS