IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

 


WALANG MAKA-AAGAW SA INYO...

JN 10: 27-30

 




 

Alam ba ninyo na sobrang pagdurusa ang dinanas ng mga Katoliko sa Cambodia sa panahon ni Polpot? Pinatay o pinalayas ang mga obispo, pari at madre; pinagbawalang isabuhay ang pananampalataya at halos kalahati sa kanila ay pinaslang. Nang bumuti ang situwasyon, nagbisikleta ang mga misyonero sa mga baryo para mag-survey kung may natira pang mga Katoliko. Binabati nila ang mga tao sa salitang French na wikang natatandaan ng mga Katoliko sa kanilang dating mga paring misyonero. Nang marinig sila ng ilang natitirang Katoliko, lumantad sila at nagpakilala bilang survivors ng genocide sa bansa.

 

Madalas banggitin ng Panginoong Hesus ang matibay na ugnayan ng pastol at tupa. Kilala kasi ng tupa ang boses ng pastol. Kapag narinig nila ito, sumusunod sila sa kanilang amo. At ang pastol naman, tutok sa pag-aaruga sa mga tupa hanggang humantong pa ito sa pag-aalay niya sa sariling buhay kung kinakailangan.

 

Ano ba ang nakikita ng mga tupa sa boses ng pastol? Siguro paalala ito ng seguridad; narito na ang magpapakain at magpapainom sa amin. O kaya dala nito ay proteksyon; eto ang isang tiyak na magtatanggol at sasanggalang sa amin na walang sawa. At tiyak din na nagbabadya ito ng pagtatalaga ng sarili ng pastol sa kanila: sasamahan niya kaming maglakad, maglakbay gabi man o araw. Hindi nakapagtataka, tiwala at pagsunod ang tugon ng tupa sa kanilang minamahal na pastol.

 

Sabi ni St. Benedict, ang pangunahing tungkulin ng bawat Kristiyano ay makinig sa Panginoon. Sabi naman ni San Pablo, ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig (Rom 10:17). At tiyak na nais ng Diyos na iparating sa atin ang kanyang mensahe, ang kanyang mabuting balita. May higit pa bang katiyakan, may mas matindi pa bang pangako kesa sa binanggit ni Hesus ngayon? – walang makaka-agaw sa inyo sa aking kamay; walang makaka-agaw sa inyo sa kamay ng Ama. Tulad ng mga tupa, ligtas tayo sa aruga at kalinga ng Ama, Anak at Espiritu Santo, ang Diyos na nagmamahal sa atin.

 

Kung paanong ang tupa ay bilad sa mga panganib sa pastulan man o sa kulungan, ganun din ang karanasan natin ng pagsubok araw-araw. Meron tayong mga suliraning pansarili, at maging sa ugnayan sa bahay, trabaho o kapitbahayan. Meron tayong alalahaning pinansyal o kabuhayan. Nakikipagbuno tayo sa kahinaan at karamdaman. Ang iba sa atin ay inaapi o ginugulo ng kapwa. Sa mga panahong ito, mahina at lupaypay tayo kaya tuloy nauuwi sa takot, pangamba at kawalang-katiyakan.

 

Sa Pagkabuhay niya, ipinaalala sa atin ni Hesus na walang anuman at sinuman ang makapaghihiwalay sa atin sa Diyos. Nabuhay siyang muli upang patuloy tayong akayin bilang kawan, gabayan at ipagtanggol bilang mga alagad, samahan at sabayan sa paglalakbay hanggang sa dulo ng lahat. Bilang mga Kristiyano, kailangan nating makinig sa kanyang tinig sa Kasulatan at sa simbahan. Ito ang sanhi ng ating pag-asa, katiwasayan, tiwala at kapayapaan. Maging gabay nawa natin ang panalangin ni Fr. Dolindo: Panginoong Hesus, isinusuko ko sa iyo ang aking sarili; bahala ka na po sa lahat.

 

(Manalangin tayo para sa malinis, payapa at tapat na halalan; para sa tunay na pagbabago. Ihalal natin ang kandidatong humaharap sa tao, laging kasama ng tao, naglilingkod sa lahat!) 

 

 


 matapos ang panalangin at pagkilatis, ito ang aking kandidato;

magdasal ka din sa Panginoon 

para gabayan sa pagpili ng kandidato mo.



Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS