SAINTS OF JUNE: SAN JUSTINO, MARTIR

 

HUNYO 1

 

SAN JUSTINO, MARTIR

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Marami sa atin ang nagiging tamad kapag ang pag-uusapan ay pag-aaral. mas gusto nating maglibang at mag-aksaya ng oras sa mga ibang bagay kaysa kumuha ng libro at magbasa nito. Tila hindi ito ang istilo ng ating santo sa araw na ito. 

 

Si San Justino ay ipinanganak sa isang pamilyang hindi Kristiyano sa isang matandang nayon sa lugar ng Samaria, ang Flavia Neapolis. Ngayon ang lugar na ito ay tinatawag na Nablus at nasa Palestina. Isinilang siya noong simula ng 2nd century.

 

Mahilig mag-aral si Justino at sinikap niyang magpaka-dalubhasa sa Pilosopiya, kaya nga kilala din siya bilang isang “pilosopo.” Mas mauunawaan natin ang salitang ito sa Ingles, “philosopher,” kasi ngayon ang salitang pilosopo ay negatibo ang kahulugan – isang taong baluktot kung mangatwiran.

 

Ang isang tunay na pilosopo ay isang taong mapagmahal at naghahanap ng katotohanan. Si Justino ay naghanap ng kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t-ibang mga sistema ng pilosopiya noong panahon niya, tulad ng mga aral ng mga Stoics, Peripatetics, Phytagoreans at mga Platonics. Mas kilala ang mga salitang ito ng mga nag-aaral ng Philosophy sa kolehiyo at ng mga seminaristang nasa college level pa lamang ng paghubog.

 

Sa paghahanap ni Justino isang kagalang-galang na matandang lalaki ang nagbigay sa kanya ng sipi ng Lumang Tipan ng Bibliya upang kanyang basahin at pag-aralan. Dito nagsimula ang pagka-bukas ng isip at puso ni Justino sa tunay na pananampalataya.

 

Naging isang Kristiyano si Justino dahil sa pag-aaral niya ng Lumang Tipan. Humanga siya sa mga propetang nabasa niya doon. Naging mitsa ito ng kanyang pananabik na tanggapin ang mga itinuturo ng mga propeta tungkol sa Panginoong Hesukristo.

 

Pagkatapos ng kanyang pagyakap sa pananampalataya, nagpunta siya sa Roma at doon ay nagtayo ng isang paaralan.  Napansin ni Justino na maraming mga Kristiyano ang hindi nakapag-aral o kulang ang kaalaman sa pananampalataya. Naniwala siya na kung maipapaliwanag nang maayos ang pananampalataya, maraming tao ang maniniwala sa Panginoong Hesus.  Ayon sa kanya, tungkulin natin na gawing bantog sa lahat ng tao ang ating mga doktrina sinusundan.

 

Isang maningning na tagapagpaliwanag ng pananampalataya si San Justino.  At nakilala siya bilang kalaban ng mga taong gumagamit ng maling pilosopiya laban sa Kristiyanismo.  Marami siyang isinulat at mapalad tayong nakarating sa atin ang dalawa niyang mga isinulat o akda: ang Apology (ibig sabihin ay pagtatanggol o depensa, hindi paghingi ng paumanhin) at ang Dialogue with Trypho.  Bukod sa pagtatanggol at pagpapaliwanag ng mga doktrina ng pananampalataya, nauna rin si San Justino sa pagbibigay liwanag sa tradisyon ng mga Kristiyano lalo na tungkol sa binyag at sa Eukaristiya.

 

Namatay si San Justino sa ilalim ng pagtuligsa ng emperador Marcus Aurelius noong taong 165 o 166. Kasama niyang namatay para sa Diyos ang anim pang katao, isang babae at limang lalaki.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

May pagnanais ka bang matutunan lalo ang iyong mga pananampalataya? Puwede tayong magbasa, magtanong, o sumali sa mga grupong may ganitong layunin sa ating parokya.  Puwede din tayong magsaliksik nang personal pero may tamang gabay ng ating mga pinuno sa ating simbahan.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

1 Cor 2:2

 

Talagang ipinasya kong walang malaman sa piling ninyo maliban kay Jesucristo na siyang ipinako sa krus.

 

Fr. RMarcos (book, Isang Sulyap sa mga Santo)

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS