IKA-ANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
BATAS NG DIYOS, BATAS
NG PAG-IBIG
Gumanda ang aming kapaligiran
nang maluklok ang bagong barangay captain. Dahil siya ay isang taong matapat sa
pagpapatupad ng mga batas sa kalinisan, kaayusan, droga at iba pa.
Pero may mga taong ayaw sa batas.
Sabi nila, inaapi sila ng batas, nililimitahan, at sinusupil ang kanilang kilos
at konsyensya. Totoo na may mga hindi makatarungang batas na dapat nating
labanan, subalit kung tutuusin, karamihan sa mga batas ay mabuti para sa
lipunan at sa bawat mamamayan.
Lalong totoo ito sa batas ng
Diyos. nais ng Diyos ang kabutihan
ng kanyang mga anak nang gumawa siya ng mga batas na gagabay sa atin sa
pagtuklas sa kanyang kalooban. Kaya nga, sa ebanghelo ngayon, sabi ng
Panginoong Hesus, hindi niya pakay na tanggalin ang batas kundi gawin itong
ganap (Mt. 5:17). Ang mga batas ng
Diyos ang tumutulong sa ating lumago sa pagkakilala, pakikipag-ugnayan at
pakikipag-kaibigan sa Panginoon.
Ang problema minsan ay may
pagtutol tayo sa mga batas ng Diyos. sinasalungat at sinusuway natin ang mga
ito. Sana lang, maunawaan natin na
sa puso ng mga batas ng Panginoon ay ang kanyang pag-ibig sa atin. Kung
magkagayon, mas Malaya tayong tutugon sa kanya na laging nagmamahal sa atin.
Alam ng Panginoong Hesus na
delikado ang pagsunod lamang sa batas lalo na kung ito ay dahil sa takot,
obligasyon o kaugalian lamang. Kaya sabi niya, gagawin niyang ganap ang
batas. Paano magiging ganap? Sa pamamagitan ng pagtupad at paggawa
ng higit pa sa hinihingi ng batas.
Magagawa natin ito kung pag-ibig ulit an gating kasangkapan at sukatan.
Bilang mga Kristiyano, hindi lang
bawal pumatay. Pati ang galit at poot ay ating iwawaksi sa puso. Hindi lang
bawal manira ng mabuting pangalan ng iba.
Pati ang pakikipagkasundo ang siya nating pagsisikapan. Hindi lang bawal
magtaksil. Pati ang paggalang at
respeto sa iba ay dapat mamayani sa atin.
Mahirap na nga tuparin ang
batas. Tapos eto at hamon sa atin
ay higitan at lampasan pa ang batas ng Diyos. subalit kung may pag-ibig sa ating puso na mula sa Panginoon,
tiyak na magaganap natin ito at maisasabuhay.
Hilingin nating punuin tayo ng
Diyos ng pag-ibig upang maunawaan natin nang malalim ang kanyang kaloobang nasa
mga batas niya para sa atin at nang maligaya nating tuparin ang mga batas ng
pag-ibig na ito.
Comments