IKA-LIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - A
Kasangkapan ng Pagpapanibago
Bakit pinili ng Panginoong Hesus
ang halimbawa ng asin at ilaw para
tukuyin ang kanyag mga alagad at tagasunod?
Palagay ko ito ay dahil sa ang
asin at ilaw ay may kakayahang magpanibago ng mga bagay sa kanilang
paligid. Ang asin ay nagpapabago
ng lasa. Ang ilaw ay nagpapabago
ng kadiliman.
Ang pagkaing walang asin ay
walang lasa at hindi masarap kainin.
Pero kapag sumobra ang asin, yari naman ang iyong bato! Ang tamang timpla ng asin ang
nagpapasarap sa pagkain.
Ang lugar na walang ilaw ay
nababalot ng kadiliman at ang mga tao ay madaling madapa at mabunggo sa mga
hadlang sa paligid. Pero ang lugar
na maliwanag ay isang malaking serbisyo sa lahat.
Ganyan din ang mga tunay na
tagasunod ng Panginoon. Tayo ay
tinatawag maging asin at ilaw upang maging mas bago at mas sariwa ang ating
paligid. Taglay ang Salita ng Diyos at ang pananampalataya, magiging
kasangkapan tayo ng pagbabago sa mundong ito.
Minsan nagtataka tayo kung bakit
natatagpuan natin ang ating mga sarili sa iba’t-ibang sitwasyon na tila
pagsubok. Bakit ba ganito ang
asawa ko? Bakit nag-iba na ang
aking anak? Bakit lagi na lang may
gulo at away? Bakit ang daming
kalungkutan sa aming buhay?
Magandang isipin na batid ng
Diyos na kaya tayo nasasangkot sa mga ganitong sitwasyon ay upang maging asin
at ilaw, mga taga-pagpanibago ng ating paligid. Ang iyong asin ang magiging gabay ng iyong asawa. Ang iyong
liwanag ang aalalay sa iyong mga anak.
Ang iyong asin ang magiging sanhi ng pagkakasundo. Ang iyong liwanag ang
magbibigay ligaya sa mga tao sa iyong paligid. Napakalaki ng tiwala ng Diyos sa
atin.
Sa bawat pagsubok, sa halip na
tayo ay manghina, isipin lamang natin ang pangarap ng Diyos para sa atin –
maging asin at ilaw na magdadala ng pagbabago sa mundo. Subalit magagawa lamang natin ito kung
lagi tayong kakapit sa ating Panginoon, kung sa kanya tayo unang kukuha ng
liwanag at ng lakas upang ibahagi sa ating kapwa.
Sa taon ng mga Layko, ng mga
binyagang Kristiyano, napakagandang isipin na mayroon pala tayong natatanging
gawain at atas mula sa Panginoon.
mula ngayon, maging asin at ilaw ng iyong kapaligiran!
Comments