IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - A


PAG-TRATO SA KAAWAY



Paano ba dapat i-trato ang isang kaaway? Iyong iba sabi, “lupigin” ang kaaway. Ganito ang paraan ng mga sundalo sa digmaan. Sabi ng iba “gantihan” ang kaaway. Ipadama sa kanya ang kanyang ginawa sa atin. Sabi din ng iba “huwag pansinin” ang kaaway. Bayaan mong maramdaman niyang wala siyang kuwenta.

At may nagsasabi: Ibigin mo ang iyong kaaway (Mt. 5:38).

Ikaw, ano ang ginagamit mong approach sa iyong kaaway? Kung tapat tayo, tiyak sasabihin natin iyong pinaka-huli ang pinaka-mahirap sa lahat. Kakaibang landas, bagong landas, landas ng pag-ibig.

Madali mahalin iyong nagmamahal sa iyo. Madaling magmahal na parang Valentine’s – suklian ng pag-ibig, kabutihan at kagandahang-loob ang gumagawa din nito sa iyo. Pero mahalin ang nasusuklam at nagpapahirap sa iyo? Ibang usapan na iyan a!

Bakit tinatawag tayo ng Panginoon Hesus na magmahal sa kaaway? Nais kasi niya na magkaroon tayo ng kapayapaan. Ang giyera ay sumisira sa kapayapaan. Nais niya na matigil na ang karahasan sa buhay. Ang paghihiganti ay tuloy-tuloy na karahasan. Nais niya na maging aktibo tayo sa pagmamahal. Ang pag-balewala sa kapwa ay nagpapababa ng pagkatao ng lahat.


Higit sa lahat, nais ni Hesus na makita ng mundo ang kaibahan ng isang Kristiyano. Ang Kristiyano ay isang larawan niya mismo, larawan ng Ama sa langit, larawan ng Diyos. magpakabanal kayo tulad ng inyong Ama sa langit.  Kaya nga tayo ay templo ng Espiritu Santo.

May taong gumawa sa akin ng masama ilang buwan ang nakalilipas. Sa huli, isinuko ko siya sa Diyos upang ipagdasal na magkaroon siya ng pagbabalik-loo, ng kapayapaan, ng paglaya sa galit at poot.

Ang kapalit ay kapayapaang nararamdaman ko sa aking puso at ang pag-ibig ng Diyos sa katauhan ng maraming mabubuting taong nakapaligid sa akin.

Lord, tulungan mo po akong magmahal sa aking kaaway.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS