IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO – B
HANDA NA BA SA
SANTO PAPA?
Mula nang i-announce na darating ang Pope sa bansa
natin sa 2015, sinimulan na ng mga awtoridad dito ang paghahanda sa simbahan at
sa bayan. Nang i-announce na
pupunta sya sa Tacloban, binilisan ng mga pinuno doon ang kanilang paghahanda.
Pinaganda ang paligid, tinapos ang mga construction work, inilipat ang mga tao
mula sa tolda at temporaryong tirahan sa bagong gawang tahanan.
Isang pamayanan ng mga mahihirap na evacuees ang
binalak na tanggalin sa dadaanan ng Pope para hindi sila makitang naghihirap pa
rin sila isang taon matapos ang trahedya. Pero nag-protesta ang mga tao at
hiningi nila na dapat silang makita ng Pope. Dapat makita ng Pope kung ano sila ngayon – mahirap,
nagdurusa at miserable pa rin!
Kung naiisip natin ang ibat-ibang paghahanda sa
pagdating ng isang lider mula sa Roma, lalo yata tayong dapat nating ihanda ang
ating puso at ang ating mundo para sa pagdating ng minamahal na Anak ng Diyos
at Tagapagligtas ng buong daigdig.
Kaya eto si Juan Bautista ngayon at patuloy tayong
ginagambala ng kanyang misyon at mensahe: ako ang tinig ng isang sumisigaw sa
ilang, tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon. inaamin niyang hindi siya ng Mesiyas. Pero masidhi ang
kanyang pagtatrabaho para matuto ang mga tao na maging bukas sa pagsalubong sa
isang higit na dakila. Si Hesus
ang magbibinyag hindi lamang sa tubig kundi sa Espiritu ng Diyos.
Ngayong malapit na ang Pasko, handa ba tayo sa
pakikipagtagpo, sa pakikipagkita sa ating Panginoon? Si Juan ay punong-puno ng
kababaang-loob habang inihahanda niya ang kanyang sariling puso para kay Hesus.
Sabi pa niya: hindi ako dapat man lamang mag-alis ng sintas ng kanyang
panyapak.
Ganoon din ba tayo ngayon? Puno ba ang puso natin ng
kababaang-loob, kagalakan, pagbibigay, at pag-ibig habang papalapit ang Pasko? Iwasan
natin ang pagbabagong panandalian lamang, pagbabagong palabas lamang. Ihanda natin
ang ating puso sa pamamagitan ng pagtahak sa tuwid na daan ng buhay.