SAINTS OF DECEMBER: SAN PEDRO CANISIO
DISYEMBRE 21
SAN PEDRO CANISIO
(ST. PETER CANISIUS),
PARI AT PANTAS NG
SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Ang paring si San Pedro Canisio ay ipinanganak sa bansang Holland noong 1521. Nag-aral siya sa Cologne (Germany) at sa Louvain (Belgium). Sa edad na 23 pumasok siya sa
Kapisanan ni Hesus (Society of Jesus),
na itinatag ni San Ignacio ng Loyola at kinabilangan din ni San Francisco
Javier.
Nang maging pari si San Pedro siya ay naglingkod bilang
isang theologian (eksperto sa theology o sa pag-aaral tungkol sa
Diyos) at bilang isang guro. Tinawag siya ni San Ignacio de Loyola sa Roma at
doon siya ay naging ganap na Heswita o Jesuit
(miyembro ng Society of Jesus)
noong 1549.
Pagkatapos nito, nagtungo si San Pedro Canisio sa Germany kung saan sa loob ng 30 taon,
walang sawa at walang pagod niyang hinarap ang gawain ng pagpapanariwa ng buhay
ng mga Katoliko doon. Naging lider siya ng mga Jesuits doon sa ibat-ibang posisyon na hinawakan. Nagtatag siya ng
mga paaralan doon na nanguna sa pagpapanibago ng simbahan sa Germany. Hindi madali ang gawain niya sa Germany dahil noong panahong iyon ay may pagkakahati-hati ang mga
Kristiyano dahil sa bagong sibol na Protestantismo.
Ginamit niya ang taglay niyang katalinuhan sa pagusulat ng
mga aral ng simbahan upang pangalagaan at gabayan ang mga mananampalataya. Sa
marami niyang naisulat, ang librong “Catechism” ang pinakasikat sa lahat. Dumaan ang aklat na ito sa 55 edisyon
at naisalin sa 9 na wika.
Ang paraan ng pagsusulat at pagtuturo ni San Pedro Canisio
ay hindi sa pamamagitan ng agresibong labanan o debate ng mga kaisipan. Dahil
mahusay siya sa Bibliya, sa turo ng mga Fathers
of the Church at sa theology, maayos niyang naipapaliwanag
at naipagtatanggol ang turo ng simbahan. Ang gamit niyang paraan ay paghimok
puso at isipan at tamang pangangatuwiran.
Sanay siyang makipag-usap maging sa mga taong hindi kabilang sa
simbahan.
Nang mamatay si San Pedro Canisio sa Switzerland noong 1597,
umani siya ng papuri sa mga lider ng simbahan. Itinanghal siyang santo at
pantas ng simbahan. Tinawag din siyang “pangalawang apostol” ng Germany dahil sa masidhi niyang
paglilingkod sa bansang iyon. Ang unang apostol ng Germany ay si San Bonifacio na nagdala doon ng pananampalatayang
Kristiyano.
B. HAMON SA BUHAY
Para tawagin bilang pangalawang apostol ng Germany, tiyak na sobrang sipag ni San
Pedro Canisio sa kanyang atas na tinanggap upang gawing sariwa at bago ang
pananampatalataya ng mga tao doon. Ganito rin ba ang kasipagan na ipinakikita
natin kapag may tinanggap tayong mahalagang gawain lalo na sa pagtulong sa
kapwa na maging mas malapit sa Diyos at malayo sa kapahamakan?
Ngayong Adbiyento, gawin nating inspirasyon si San Pedro
Canisio sa isang buhay na masipag at masinop para sa kapakanan ng iba.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 10;16
Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga
asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na
parang mga kalapati.