SAINTS OF DECEMBER: SAN FRANCISCO JAVIER
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa mga unang imahen na nakita ko ay ang isang lumang
imahen ng isang paring naka-itim na sutana, may hawak na krus at naka-akmang
nagbibigay ng pangaral sa mga tao.
Ito pala ay imahen ni San Francisco Javier na ipinakikilala bilang isang
modelo sa paglilingkod sa Panginoon.
Si San Francisco Javier ay mula sa bansang Espanya kung saan
siya isinilang nang taong 1506. Habang siya ay nag-aaral sa Paris, France, nakilala niya at hinangaan si San Ignacio ng Loyola. Naging unang alagad siya ni San Ignacio
nang itatag nito ang Kapisanan ni Hesus (Society
of Jesus o Jesuits).
Naging pari si San Francisco noong 1537 at nagsimula siyang
magtalaga ng buhay sa paglilingkod sa kapwa. Noong 1542, ilang isang misyonero,
nagpunta si San Francisco sa kabilang sulok ng mundo, sa Asya, upang simulang
ihasik ang Mabuting Balita ng ating Panginoong Hesukristo. Mahaba at mapanganib ang paglalakbay
niya. Pagdating sa India, hindi siya
nakuntento na manirahan sa isang lugar lamang kundi nilibot niya ang maraming
bayan at nayon kahit marami at iba’-t-iba ang hinarap niyang paghihirap.
Pagkatapos lamang ng dalawang taon, nagpunta naman siya sa Ceylon at sa Moluccas. Bumalik siya sa India pero umalis muli papuntang Japan. Halos sampung taon siyang namuhay
na halos walang pahinga sa kanyang misyon. Maraming nahikayat sa pananampalataya si San Francisco dala
ng kanyang kasipagan at tiyaga.
Maraming mga sulat si San Francisco na ipinadala kay San
Ignacio kung saan nai-kuwento niya ang mga pakikibaka niya sa mga banyagang
lugar. Kitang-kita ang kabayanihan at kadakilaan ng santong ito na nagpunla ng
pananampalataya sa puso ng maraming tao. Marami ding mga kuwento tungkol sa mga
adventures ni San Francisco na
matatagpuan sa mga aklat ng mga Heswita tungkol sa kanya.
Pangarap pa sana niyang marating ang China subalit namatay siya noong 1552 sa isla ng Shangchwan. Naging sanhi ng kanyang
pagpanaw ang sobrang pagod ng katawan at mataas na lagnat. Tinataya na halos
30,000 na tao ang nailapit niya sa Panginoong Hesus sa kanyang buong buhay
bilang misyonero.
Sa pagtalikod ni San Francisco sa isang buhay na may
pangakong katanyagan at kayamanan, mas nakita niya ang layunin ng kanyang
buhay. Ang buhay, tulad ng sabi sa
Mabuting Balita, ay lalong napapasa-atin kung ito ay lalo naman nating iniaalay
sa ating kapwang nangangailangan ng pag-ibig at gabay.
Kinikilala si San Francisco bilang isa sa mga pinakamahusay
at pinakamabisang taga-pangaral ng Salita ng Diyos. Ngayon siya ay isa sa mga Patron Saint ng mga
misyonero.
Isang himala ang pagiging buo pa ng kanyang katawan ilang
daan taon na mula nang siya ay mamatay.
Ang kanyang katawan ay nasa Goa,
India kung saan dinadayo ito ng mga
deboto mula sa buong daigdig. Ang
kanyang kanang braso at kamay ay nasa Roma, sa simbahan ng Gesu, ng mga Heswita.
Ang braso at kamay na ito ay nagpapa-alala ng napakaraming mga tao na
kaniyang bininyagan, kinumpisal, pinahiran ng banal na langis at binigyan ng bendisyon.
Nang ako ay pinalad na mapadaan sa Malacca, Malaysia, ay
napuntahan ko ang simbahan kung saan unang inilagak ang katawan ni San
Francisco Javier. Sa patyo ng simbahan ay may malaking imahen ni San Francisco
na akmang nangangaral. Nakakatuwa lamang dahil putol ang kanang braso at kamay
ng imahen na ito. Sabi tuloy ng ilan, ito daw ay paalala na nasa Roma nga ang
nawawalang bahagi ng kanyang katawan.
B. HAMON SA BUHAY
Bilang isang ordinaryong Kristiyano, tayong lahat ay
misyonero din na inaasahang tagapagpahayag ng pag-ibig ng Diyos sa ating kapwa.
Paano mo isinasabuhay ang pagiging misyonero mo sa iyong ka-pamilya, kaibigan,
kaklase, ka-trabaho o kapitbahay? Mayroon ka bang pagnanasa na maging
tagapagdala ng pananampalataya sa mga taong naghihintay at naghahanap nito?
Ngayong Adbiyento, ang pagmamahal ni San Francisco sa
Panginoon ang maging modelo ng ating pananabik sa pagdating ng kaarawan ng
ating Manunubos. Amen.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 10:27
Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag.
Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.