ANG TUNAY NA KRUS NI KRISTO - SA MONASTERIO DE TARLAC
-->
(excerpt from Isang Sulyap sa mga Santo)
PAGTATAMPOK SA KRUS NA BANAL
A. KUWENTO NG BUHAY
Maraming lugar sa ating bansa at
gayundin maraming mga simbahan o bisita o kapilya ang tinatawag na Santa Cruz.
At may mga tanging pagdiriwang na kaugnay ng krus sa mga pista sa buong taon sa
ibat ibang baryo at nayon.
Ang Santa Cruz, Maynila ay ipinangalan
sa isang krus na pinaniniwalaang mapaghimala para sa mga residente doon at
nagbibigay ng biyaya sa mga negosyante sa lugar. May isang lugar kung saan
nagtitirik ng kandila at nagdarasal ang mga tao sa isang krus sa gilid ng
kalsada. At may isang krus
(sinsasabing ang orihinal) na nakalagak sa isang sulok at maingat na
naka-kandado at inilalabas lamang kung pista sa Sta. Cruz. Una akong dinala ni
Fr. Reynold Oliveros sa mga krus na ito noong siya ay nakatira pa sa Sta. Cruz
Church.
Ang kapistahang ng Krus (Sept 14) ay hindi
tungkol sa isang tao kundi tungkol sa simbolo ng pananampalataya, ang Krus ni
Kristo. Ibat-iba ang naging tawag
sa araw na ito. Mayroong tinawag itong Kapistahan ng Pagtataas ng Krus, o
Tagumpay ng Krus, o Maluwalhating Krus.
Sa ating ginagamit na Misal ngayon ang tawag ay kapistahan ng
Pagtatampok sa Krus.
Nagsimula ang pagbibigay pugay sa
Krus matapos ang mahiwagang pagkaka-diskubre sa True Cross – ang tunay na
krus na ginamit upang ipako at patayin ang ating Panginoong Jesukristo ng mga
sundalong Romano sa bundok ng Kalbaryo.
Nagpunta sa Jerusalem ang ina ng emperador Constantino noong 326 upang dalawin
ang mga banal na lugar doon. Ang pangalan ng ina ng emperador ay kilala ngayon
bilang Santa Elena or Reyna Elena (opo, siya din ang karakter sa Santacruz de
Mayo na may dalang krus at may kasamang escort
na Constantino kung tawagin).
Noong naroon siya, ipinahanap niya ang Krus na ginamit sa pagpapako sa
Panginoon.
Ayon sa kuwento, may tatlong krus
na nahukay sa bundok at upang malaman kung alin doon ang hinahanap ng reyna,
inilapit ang mga krus sa isang maysakit. Sa pagdampi sa maysakit ng isang krus,
isang himala ang naganap. Bigla itong gumaling sa karamdaman. Ito ang naging tanda
na ang Krus na iyon ang True Cross.
Nagtayo ng isang simbahan sa
lugar upang maging marka kung saan talaga naipako at namatay sa Krus ang
Panginoong Jesus. Dinadayo ang simbahang ito ng mga deboto mula sa iba’t-ibang
dako ng daigdig. Isang bahagi ng tunay
na Krus ang nakalagak doon. Habang ang ibang bahagi ay nakakalat sa iba’t-ibang
simbahan sa Europa bilang mga relic. Sa Rome ay may sikat na simbahan kung
saan naroon din ang isang bahagi o relic ng tunay na Krus.
Mapalad tayo sa Pilipinas dahil
isang monasteryo sa ating bansa ang may relic (isang maliit na bahagi) ng Tunay
na Krus. Ito ay ang Monasterio de Tarlac sa bayan ng San Jose sa lalawigan ng
Tarlac sa Luzon. Paano nagkaroon
ng relic ng Tunay na Krus doon?
May isang monasteryo sa Germany ang pinagkatiwalaan na magtago
ng relic na ito subalit kailangang isara ang monasteryo dahil wala nang mga
monghe na mag-aalaga ng kanilang monasteryo. Naghanap ang mga lider ng simbahan
sa Germany ng isang lugar na maaaring muling pagkatiwalaan na maging bagong
tahanan ng relic ng Krus.
Nang makilala nila si Fr. Ronald
Thomas “Archie” Cortez, prior at founder ng Servants of the Risen Christ, nagpasya ang mga awtoridad sa Germany
na sa kanya ilagak ang relic. Dumating ang mga opisyal ng simbahan mula sa Germany
at pormal na ibinigay ang relic kay Fr. Archie at sa kanyang congregation. Ang Papal Nuncio (kinatawan ng Santo Papa) sa Pilipinas mismo ang nagmisa sa
araw na iyon na dinaluhan ng maraming mga Katoliko mula sa ibat ibang lugar.
Kung hindi tayo makararating sa Jerusalem
upang magdasal at humingi ng pagpapala sa harap ng tunay na Krus, mayroong
isang monasteryo na laging bukas upang tumanggap ng mga deboto at upang
magbigay ng pagkakataon sa mga tao na mahawakan o mahalikan nag sisidlan ng
relic ng Krus ni Kristo. Maraming mga himala ang sinasabing nagaganap sa buhay
ng mga debotong dumadalaw sa True Cross na narito sa Pilipinas. Makikita sa
internet ang maraming impormasyon tungkol dito. ( http://monasterio-de-tarlac.weebly.com/ )
B. HAMON SA BUHAY
Paano ba aalisin ang krus sa
buhay ng tao? Tila kakambal ito ng buhay ng bawat isa. Pati ang Anak ng Diyos
ay yumakap sa krus. Kung nahihirapan tayo, tingnan natin ang krus ni Kristo at
humingi ng pag-asa. Aakayin tayo ng Panginoon mula sa kamatayan hanggang sa
pagkabuhay.